“KUNG hindi niyo kayang ibaba ang presyo ng mga bilihin, eh itaas ang sahod.”
Ito ang matinding panawagan ni Kamanggagawa Party-list Rep. Eli San Fernando kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kasabay ng paghahain niya ng panukalang P200 across-the-board wage hike para sa mga manggagawa sa buong bansa.
Ayon kay San Fernando, habang abala ang gobyerno sa isyu ng flood control anomalies, tila nakakalimutan ang kalagayan ng mga ordinaryong manggagawa na patuloy na nahihirapan sa taas-presyo ng mga bilihin.
“Nakalulungkot kasi wala sa LEDAC, wala sa priority agenda ng administrasyong Marcos ‘yung anomang pag-uusap sa pagtataas ng sahod ng mga manggagawa,” diin ng mambabatas.
Ipinaalala ni San Fernando na noong nakaraang Kongreso, naipasa na sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang wage increase — P200 kada araw sa Kamara at P100 sa Senado.
Ngunit hindi ito umabot sa Bicameral Conference Committee matapos tumanggi ang Senado na isalang ito bago magtapos ang 19th Congress noong Hunyo 2025.
“It’s a challenge to the administration. If you’re really serious about the plight of the workers, i-certify as urgent ang legislative wage increase — lalo na’t pumasa na ito noong 19th Congress,” giit ni San Fernando.
Ibinunyag din ng mambabatas na nabuo na ang isang “Wage Coalition” sa hanay ng mga kongresista sa 20th Congress, pinangungunahan nina TUCP Party-list Rep. Raymond Democrito Mendoza at House Committee on Labor Chairman Cavite Rep. Jolo Revilla, upang itulak muli ang wage hike bill.
“So we have established this informal group (wage coalition) na nag-uusap kung papaano maitutulak yung legislative wage increase,” ayon pa kay San Fernando.
(BERNARD TAGUINOD)
63
