QUEZON – Dalawang lalaki ang nasawi sa magkahiwalay na insidente ng pagkakakuryente sa mga bayan ng Lopez at General Luna sa lalawigan noong Biyernes, ayon sa ulat ng pulisya.
Unang naitala ang insidente sa Barangay Pamampangin sa Lopez Lopez, dakong alas-5 ng hapon, kung saan nasawi ang biktimang si “Rome”, 59-na taong gulang, isang negosyante at residente ng nasabing barangay.
Batay sa imbestigasyon ng Lopez Municipal Police Station, bandang alas-7:30 ng umaga ay umalis ang biktima upang manguha ng saging sa kanilang taniman.
Nang hindi ito nakauwi pagdating ng tanghali, nagsimula nang maghanap ang kanyang pamilya.
Natagpuan ang wala nang buhay na katawan ni Rome bandang alas-5 ng hapon sa loob ng kanilang plantasyon ng saging, habang may hawak pang kable ng kuryente na nakakonekta sa kanilang water pump.
May nakita ring mga paso sa kaliwang kamay ng biktima na patunay ng electrocution.
Samantala, sa bayan naman ng General Luna, Quezon, isa pang laborer na kinilala sa pangalang “Allan”, 33-na taong gulang, ang nasawi matapos makuryente habang nag-aayos ng bubong sa loob ng General Luna Public Cemetery dakong alas-2:50 ng hapon.
Ayon sa General Luna Police, aksidenteng napadikit ang katawan ng biktima sa live wire habang nagkakabit ng roof flashing.
Agad siyang isinugod ng kanyang mga kaanak at ng MDRRMO General Luna sa Bondoc Peninsula District Hospital sa Catanauan, ngunit idineklarang wala nang buhay ng doktor.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis, walang palatandaan ng foul play sa dalawang insidente at parehong itinuturing na aksidente.
(NILOU DEL CARMEN)
14
