ROXAS CITY – Apat na high-value targets (HVTs) ang naaresto sa buy-bust operation na ikinasa ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency noong Sabado ng hapon, Oktubre 25, 2025, sa Sitio Railway, Barangay Punta Tabuc sa lungsod.
Sa nasabing anti-narcotics operation na pinangunahan ng PDEA Capiz Provincial Office, katuwang ang Police Regional Intelligence Unit 6 – Capiz, ay nalansag din ang isang drug den.
Nakumpiska sa operasyon ang humigit-kumulang 25 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang halagang P225,000, kasama ng ilang non-drug items gaya ng marked money, lighter, aluminum foil, improvised glass tooter, at gunting.
Kinilala ang mga naaresto na sina “Josemar,” 32; “Roel,” 24; “Seraphin,” 37; at “Camille,” 38.
Sasampahan ang mga suspek ng kasong paglabag sa Sections 5 (Sale of Dangerous Drugs), 6 (Maintenance of a Drug Den), 7 (Employees and Visitors of a Drug Den), 11 (Possession of Dangerous Drugs), at 12 (Possession of Drug Paraphernalia) ng Article II ng Republic Act No. 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
(JESSE RUIZ)
15
