DAPAT umanong simulan ng administrasyong Marcos Jr. ang kampanya kontra korupsyon sa loob mismo ng Malacañang.
Ito ang panawagan ni Akbayan Party-list Rep. Perci Cendaña matapos kontrahin ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang ideya ng pagpapalabas ng Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ng mga opisyal ng gobyerno.
Ayon kay Cendaña, tila inaalisan ng sandata ang taumbayan sa laban kontra katiwalian ang posisyon ni Bersamin.
“Sandata ito laban sa katiwalian at kalasag laban sa pangungurakot. Pero ipinagkakait ito ni Bersamin—taliwas sa sinasabi ng Pangulo na gusto niyang mapanagot ang mga tiwali,” ani Cendaña.
Giit pa niya, kung seryoso ang administrasyon sa pagkuha ng tiwala ng publiko, dapat magsimula ito sa sariling hanay.
“If the Marcos admin is serious in fighting corruption, it has to start in its own backyard,” dagdag ng mambabatas.
Tinawag naman ni Kamanggagawa Party-list Rep. Elijah “Eli” San Fernando na “hypocritical and evasive” ang pahayag ni Bersamin.
“Kung wala kayong tinatago, bakit natatakot ipakita ang SALN? Transparency daw pero ayaw magpasilip—’yan ang tunay na security threat sa bansa,” giit ni San Fernando.
Aniya, luma na ang dahilan ng mga opisyal na ayaw magpasilip ng yaman dahil “baka magamit sa pulitika.”
“Ang SALN ay hindi pampulitika—ito ay batayang dokumento ng pananagutan. Ginawa ito para protektahan ang mamamayan laban sa korapsyon, hindi para protektahan ang mga opisyal sa kahihiyan,” dagdag pa ng kongresista.
(BERNARD TAGUINOD)
10
