TARGET ni KA REX CAYANONG
SA panahon ngayon kung saan maraming Pilipino ang humaharap sa hamon ng mataas na presyo ng bilihin, muling ipinakita ni Governor Rodito Albano ng Isabela, ang kahalagahan ng pamumunong malapit sa tao.
Aba’y sa pamamagitan ng Rice Assistance Program, higit 1,700 benepisyaryo mula sa Reina Mercedes at mahigit 5,000 mula sa Aurora, Burgos, at Gamu ang nakatanggap ng buwanang tulong-bigas mula sa pamahalaang panlalawigan.
Malinaw na ang simpleng butil ng bigas ay nagsilbing simbolo ng malasakit sa bawat pamilyang Isabelino.
Hindi lamang bigas ang ipinamamahagi ng pamahalaan, kundi pati mga kagamitan para sa mga may kapansanan tulad ng wheelchair, nebulizer, at cane.
Ito ay malinaw na patunay na sa ilalim ng liderato ni Governor Albano, ang serbisyo publiko ay hindi lang nakatuon sa mga produktibong sektor kundi sa lahat, lalo na sa mga nangangailangan ng espesyal na atensyon.
Nagpapakita ito na mayroong isang gobyernong tunay na nakikinig at kumikilos para sa kapakanan ng lahat.
Bukod dito, muling ibinalik ng pamahalaang panlalawigan ang distribusyon ng allowance sa mga iskolar ng BRO-Ed.
Mahigit 4,600 estudyante mula sa Angadanan, Alicia, at Cauayan City ang nakatanggap ng kabuuang P15.8 milyon bilang suporta sa kanilang pag-aaral.
Kasabay nito, nabigyan din ng tulong-pinansyal ang tobacco farmers bilang pagkilala sa kanilang kontribusyon sa ekonomiya ng lalawigan.
Kung susuriing mabuti, sa ganitong paraan, sabay na tinutugunan ng probinsya ang edukasyon at kabuhayan ng mamamayan.
Sa kabuuan, ipinakikita ni Governor Rodito Albano ang uri ng pamumuno na may malasakit, direksyon, at pananagutan. Hindi lamang ito tungkol sa pamimigay ng ayuda, kundi sa pagbuo ng kulturang may malasakit at pagkakaisa.
Sa bawat sako ng bigas, sa bawat estudyanteng natutulungan, at sa bawat pamilyang binibigyan ng pag-asa ay naroon ang diwa ng isang pamahalaang tunay na para sa tao, para sa kapwa, at para sa kinabukasan ng Isabela.
7
