BINANATAN ni Davao City Rep. Paolo “Polong” Duterte si Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson Commodore Jay Tarriela, matapos siyang akusahan nitong tila ipinagtatanggol ang China kaugnay ng tensyon sa West Philippine Sea (WPS).
“Stop using the Coast Guard to chase your personal ambitions,” matalim na tugon ni Duterte kay Tarriela.
Bago ito, kinompronta ni Duterte si AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. dahil umano sa pagsugal nito sa buhay ng mga Pilipino para lamang magpasikat sa United States (US).
Ito’y matapos sabihin ni Brawner na kayang umabot hanggang mainland China ang US Mid-Range Capability (MRC) missile system o Typhon weapon system na kasalukuyang naka-deploy sa Pilipinas.
Ayon kay Tarriela, tila mas pinanigan pa ni Duterte ang China kaysa sa mismong pinuno ng Sandatahang Lakas.
Pero mabilis ang banat ni Polong: “I confronted Brawner. It was the chihuahua who barked,” ani Duterte.
“Jay Tarriela — a discharged PMA cadet allegedly for cheating .. now tries to climb ranks by licking boots and attacking those against the bangag administration.”
Dagdag pa ni Duterte, hindi dapat gamitin ni Tarriela ang Coast Guard para sa pansariling ambisyon.
“If you want respect, earn it first. Not by barking. Not by brown-nosing. Not by dragging your institution into your insecurity. Honor is earned and you’ve earned none,” madiing pahayag ni Polong.
Paliwanag pa ng kongresista, hindi siya “pro-China” kundi nag-aalala lang sa kapakanan ng mga Pilipinong posibleng madamay kung lumala ang sigalot sa WPS.
“Statements which provoke rather than avoid military confrontation is never a good idea, especially if a nation cannot afford one,” ani Duterte.
Sa kabilang panig, pinanindigan ni Tarriela na mali ang mga paratang ni Duterte.
Giit niya, hindi “pagsusugal” ng buhay ng mga Pilipino ang US defense partnerships, kundi isang matalinong hakbang para protektahan ang soberanya ng bansa laban sa panggigipit ng China.
Sinupalpal din ng PCG official si Duterte kaugnay ng isyu ng korupsyon, sabay paalala na hindi ngayon lamang nagsimula ang katiwalian.
“Remember Pharmally?” ani Tarriela, patama sa bilyon-bilyong kontrata noong pandemya na ibinigay sa kompanyang kulang sa kapital at nag-supply pa ng depektibong PPE.
Dagdag pa ng opisyal, hindi dapat gawing isyu ang joint military exercises at EDCA, dahil ito raw ay hakbang para palakasin ang depensa ng bansa laban sa anomang banta.
Giit pa ni Tarriela, si Gen. Brawner ay tapat sa Republika at sa Saligang Batas hindi sa banyagang interes.
Sa huli, kinuwestyon ni Tarriela kung sino ang totoong pinaglilikuran ni Duterte.
(BERNARD TAGUINOD/JOCELYN DOMENDEN)
21
