IPAGPAPATULOY ng Department of Tourism (DOT) ang lahat ng nakatakdang kaganapan at aktibidad sa Cebu, na nagpapatunay na nananatiling ligtas at bukas ito sa mga bisita kasunod ng magnitude 6.9 na lindol noong Setyembre at kasunod na aftershocks.
Sa pagpapakita ng suporta sa mga lokal na manggagawa at negosyo, binigyang-diin ni Tourism Secretary Christina Garcia Frasco na ang mga operasyon ng turismo sa buong Cebu at rehiyon ng Central Visayas ay ‘business as usual’ kung saan karamihan sa mga pampublikong lugar, heritage sites, at mga pasilidad ng tirahan ay siniyasat na at idineklara ng mga awtoridad na maayos ang istruktura.
Pagkatapos ng malakas na lindol noong Setyembre 30 sa Bogo City, Cebu– ang DOT sa pamamagitan ng Regional Office VII nito, ay nagsagawa ng multiple post-disaster inspections at coordination meetings kasama ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Trade and Industry (DTI), Small Business Corporation (SB Corp), at technical Education and Skills Development Authority (TESDA) gayundin ang lokal na pamahalaan para magpatupad ng agarang tulong at recovery programs.
Lahat ng 2,062 na apektadong tourism workers ay nakatanggap ng food allowance na may karagdagang emergency cash transfer at livelihood training programs na ngayon ay pinoproseso sa pakikipagtulungan sa national agencies.
Ipinagpapatuloy rin ng DOT ang magkasanib na pagsisikap nito kasama ang DTI at SB Corp, sa pamamagitan ng MSME Financing Caravan, na nagbibigay ng accessible loan facilities sa mga tourism enterprise na naapektuhan ng lindol, habang ang koordinasyon sa DPWH ay tumitiyak sa patuloy na inspeksyon at pagkukumpuni ng mga apektadong tourism-related establishments at access roads.
Samantala, ang pakikipagtulungan sa TESDA ay isinasagawa upang mag-alok ng mga alternatibong programa sa pagsasanay sa kabuhayan at kasanayan sa mga lumikas na manggagawa sa turismo.
Nanatili namang matatag ang mga pangunahing hotels, ports at airports sa Metro Cebu kabilang ang Mactan-Cebu International Airport, Cebu Baseport at seaports sa Santa Fe, Maya, at Kawit na pawang fully operational na tinitiyak ang patuloy na access para sa mga manlalakbay.
Wala ring iniulat na nasaktan sa mga guest sa premier hotels tulad ng Shangri-La Mactan, Cebu; Crimson Resort & Spa Mactan; Radisson Blu Cebu; Seda Ayala Center Cebu; Waterfront Cebu City Hotel & Casino; Quest Hotel & Conference Center – Cebu; at Dusit Thani Mactan Cebu. Wala ring structural damage at nanatiling bukas ang mga ito.
Ang mga hotel na iniulat na bahagyang napinsala ay balik normal na ang operasyon matapos ang isinagawang inspeksyon.
Sa kabilang dako, ang mga dive at island destination tulad ng Malapascua at Gato Island ay nananatiling ligtas para sa diving at island tours, gaya ng kinumpirma ng Provincial Government of Cebu at accredited dive operators kasunod ng marine ecosystem assessments.
(JOCELYN DOMENDEN)
16
