TRUCK NAWALAN NG PRENO, HELPER TUMALON PATAY

QUEZON – Nasawi ang isang helper matapos na tumalon mula sa sinasakyang trailer truck na nawalan umano ng preno habang binabagtas ang pababang bahagi ng Maharlika Highway sa Barangay Sta. Catalina sa bayan ng Atimonan sa lalawigan noong Linggo ng madaling araw.

Kinilala ang biktimang si Robbie Bacang Umandac, 35, residente ng Brgy. San Jose del Monte, Bulacan.

Batay sa ulat ng Atimonan Police, bandang alas-4:00 ng madaling-araw, tinatahak ng trailer truck na minamaneho ng isang “Roger”, 55, residente ng Tondo, Maynila, ang pababang bahagi ng nasabing kalsada nang biglang mawalan ng preno ang nasabing sasakyan.

Dahil sa takot, tumalon umano ang biktima mula sa truck ngunit nasagasaan siya ng likurang gulong ng nasabing sasakyan.

Patuloy namang bumulusok ang truck at sumalpok sa isang puno, bago pa nito masabitan ang isang kasalubong na bus at bumangga sa metal railings at konkretong poste ng kuryente.

Isinugod sa Doña Martha Hospital ang helper subalit hindi umabot nang buhay.

Hindi naman nasaktan ang driver ng truck sa insidente.

Ayon sa mga imbestigador, madulas ang kalsada at maulan ang panahon nang mangyari ang insidente.

Pansamantalang ikinustodiya ng Atimonan Police ang driver ng truck habang patuloy pa ang imbestigasyon sa insidente.

(NILOU DEL CARMEN)

22

Related posts

Leave a Comment