LCSP: May selda na, ‘yung mga ikukulong wala pa ZALDY CO, ET AL TULOY ANG LIGAYA

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

TILA pinasaringan ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) ang pamahalaan matapos nitong ihayag na tila mas handa pa ang gobyerno sa kulungan ng mga sangkot sa flood control scam kaysa sa aktuwal na paghahain ng kaso laban sa mga tulad ni resigned congressman Zaldy Co.

“Handang-handa na ang kulungan, pero si Zaldy Co — komportableng natutulog pa rin sa airconditioned suite sa mga mamahaling hotel gamit ang pera ng bayan,” banat ng grupo sa pamamagitan ng presidente nito na si Atty. Ariel Inton Inton.

Sa panayam kay DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez, inamin nitong “the DOJ is still facing hurdles in building up the case against Zaldy Co” at “not yet close to filing a case.”

Ayon kay Inton, mabuti na lang daw at tapat si Martinez — “hindi paasa, hindi bolero.”

Pero binigyang-diin ng abogado na kahit mabuo ang kaso, hindi agad makukulong si Co dahil kailangan pa itong dumaan sa preliminary investigation at masagot muna ang reklamo bago ito maisampa sa korte.

“Paano mo siya mapapadalhan ng subpoena kung hanggang ngayon, hindi alam ng gobyerno kung nasaan siya? Doon pa lang, hirap na. Paano pa ang pagpapakulong?” tanong ni Inton.

Dahil dito, nanawagan ang LCSP kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipag-utos sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang pagkansela ng passport ni Zaldy Co sa ngalan ng national security upang mapilit itong umuwi at harapin ang kaso.

“Hayaan natin ang mga abogado ni Co na dumepensa. Ang mahalaga, makauwi siya, mabigyan ng subpoena, at umusad ang preliminary investigation,” giit ni Inton.

Kinuwestyon din ng grupo ang tila pag-iingat ng gobyerno kay Co.

“Bakit pagdating kay Zaldy Co, parang takot na takot ang pamahalaan? Tuloy nagdududa ang publiko na baka may mga maidawit na mas matataas pa sa kanya — mga ‘most guilty’ sa korapsyon,” saad pa ni Inton.

“Matagalang laban ito ng sambayanang Pilipino,” dagdag pa niya. “Habang ang mga korap, nananatili sa poder — may kapangyarihang itago ang katotohanan.”

7

Related posts

Leave a Comment