P8.8-B NG GSIS “NATALO SA SUGAL”

MISTULANG tinamaan ng kasabihang “walang nananalo sa sugal” ang Government Service Insurance System (GSIS) matapos itong malugi ng halos ₱8.8 bilyon sa mga kumpanyang pinuhunanan nito kabilang na ang dalawang gambling firms.

Kahapon, naghain ng House Resolution (HR) No. 415 ang Makabayan bloc upang paimbestigahan ang GSIS dahil sa umano’y sunod-sunod na pagkatalo ng pondo ng mga kawani ng gobyerno sa “high-risk” investments.

Ang resolusyon ay inakda nina ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio, Kabataan party-list Rep. Renee Co, at Gabriela party-list Rep. Sarah Elago. Giit nila, kailangang silipin kung saan napupunta ang mga puhunan ng GSIS at gumawa ng batas para protektahan ang pensyon ng mga empleyado ng gobyerno.

Nakasaad sa resolusyon na ang mga naluging investment ng GSIS ay kinabibilangan ng: ₱1.45 bilyon sa Bloomberry Resorts Corporation (operator ng casino) — nalugi ng ₱901.9 milyon; ₱1.2 bilyon sa Digiplus Interactive Corporation (isa ring gambling firm) — lugi ng ₱749.5 milyon matapos lamang ang ilang buwan; ₱4.8 bilyon sa Monde Nissin Corporation (food company) — tinatayang ₱1.4 bilyon ang nawala; ₱1.5 bilyon sa Nickel Asia Corporation (mining firm) — ₱618.6 milyon ang nalugi.

Bukod dito, patuloy rin umanong nauubos o hindi kumikita ang mga investment ng GSIS sa Alterenergy Holdings Corporation, SP New Energy Corporation, at Bank of Commerce.

Ayon sa Makabayan bloc, dapat nang busisiin ng Kamara ang lahat ng “questionable investments” na ito dahil pondo ito ng mga ordinaryong manggagawa sa gobyerno.

(BERNARD TAGUINOD)

14

Related posts

Leave a Comment