Marcos admin puro porma ANYARE SA LIFESTYLE CHECK, SALN? – SOLONS

PURO porma lamang ang Malacanang sa pagsasapubliko ng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) at ang ipinangakong lifestyle check sa mga opisyal ng gobyerno.

Hinanap ni ACT Teacher party-list Rep. Antonio Tinio ang SALN dahil hanggang ngayon ay hindi pa naglalabas si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at maging ang kanyang Gabinete.

“Maraming postura ang Malacanang pero pag usapin na ng aktuwal na paglabas ng SALN ay may dagdag na requirements na naman,” giit ni Tinio, sabay paalala na noong una’y ipinagyabang pa ng administrasyon na walang problema sa kanila ang transparency.

Kamakalawa ay sinabi ni Executive Secretary Lucas Bersamin na papayagan lamang ng mga ito na ilabas ang kanilang SALN kung may maayos na dahilan ang humihingi dahil maaari umanong makompromiso ang seguridad ng mga ito.

Hindi ito nagustuhan ni Tinio dahil indikasyon aniya ito na walang plano si Marcos at mga miyembro ng kanyang Gabinete na ipabusisi ang kanilang SALN para malaman kung saan galing ang kanilang yaman.

“I-public na natin ang SALN natin, madali lang naman kung wala kang ninakaw. Tama na ang mga paandar para umandar ang bulok na sistema,” ayon naman kay Kabataan party-list Rep. Renee Co.

Kasabay nito, nanawagan din si Co na ilabas na ang resulta ng lifestyle check na ipinangako ni Marcos sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo, sa gitna ng mga anomalya sa flood control projects.

“Nasaan na ang lifestyle check na pinangako noong SONA pa?,” tanong ng mambabatas.

Batay sa mga ulat, uunahin sana sa lifestyle check ang mga opisyal at empleyado ng Department of Public Works and Highways (DPWH), ngunit apat na buwan na ang lumipas ay wala pa ring inilalabas na ulat mula sa Executive Department.

(BERNARD TAGUINOD)

28

Related posts

Leave a Comment