POLITICIAN’S NAME AYAW NANG IPALAGAY SA INFRA PROJECTS

PUNA ni JOEL O. AMONGO

KUNG dati ay ipinangangalandakan o ipinagmamalaki ng mga kongresista at senador ang kanilang mga proyekto sa pamamagitan ng paglalagay ng naglalakihang tarpaulins o billboards sa kanilang mga proyektong tulay, kalsada, at flood control, kapartner ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ngayon kahit saan man tayo mag-ikot sa buong Pilipinas ay wala na tayong makikitang tarpaulin o billboard, sila na mismo ang nagpaalis na mga kongresista at senador matapos na pumutok ang sinindikatong flood control projects.

Kanya-kanya silang baklas ng kanilang mga tarpaulin at billboard na nakalagay sa kanilang mga proyekto dahil baka masilip pa sila at madawit sa korupsyon.

Pero kung pagbabasehan sa mga imbestigasyon mismo ni Senator Panfilo Lacson kamakailan, nabatid na halos lahat daw ng mga senador ay may insertion sa national budget.

Kung halos lahat ng mga senador ay may isiningit na pondo sa national budget, mayroon din silang mga proyektong ipinagawa at mayroon din silang kickback.

Dati nabubuwisit tayo na nakikita natin ang mga tarpaulin at billboard ng mga politician na nagpapagawa ng mga proyekto at napaiisip tayo kung bakit kailangan pang lagyan ng mga paskil ang mga proyekto na halos ipangalandakan na mula sa kanila ang mga pera na ginamit dito.

Ngayon, halos ayaw na nilang pag-usapan na may ipinagawa silang mga proyekto gamit ang kanilang mga insertion na pera mula sa national budget.

May mga nagwi-wish tuloy sa kanilang birthday na mawala na sana ang mga magnanakaw na mga politiko para makahinga na ang mga Pilipino mula sa korupsyon.

Ang masaklap habang tumatagal ang imbestigasyon ay tila nag-iiba ang tumbok nito, imbes na ang usapin sa flood control project anomalies mula taon 2022 hanggang 2025, ay tila gusto nilang isama ang mga proyekto sa kapanahunan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Hindi lingid sa kaalaman ng mga Pilipino kung gaano kaganda ang Davao City dahil sa pangangasiwa ng pamilyang Duterte.

Hinahamon ni dating Ilocos Sur Governor Chavit Singson si Junjun Marcos na para maniwala ang mga Pilipino na totoo ang kanyang laban sa korupsyon, unahin niya na paimbestigahan ang flood control projects sa kanyang lalawigan sa Ilocos Norte.

Napag-alaman kasi ni Singson na marami ring flood control projects sa Ilocos Norte ang mag-asawang Discaya.

Ayon sa kanya, ito ay para magkaalaman kung wala silang itinatago dahil probinsiya nila mismo (BBM) ang Ilocos Norte.

Ayon pa kay Singson, kahit isama pa nila ang Ilocos Sur sa paiimbestigahan sa Independent Commission for Infrastructure (ICI), ay malakas ang loob niya dahil wala naman siyang itinatago.

Hindi rin maaaring walang pananagutan si Junjun Marcos sa maanomalyang flood control projects dahil siya ang pumipirma ng national budget.

Kaya hindi dapat sinabi ni Junjun Marcos sa kanyang 2025 State of the Nation Address (SONA), na “MAHIYA NAMAN KAYO,” kundi “MAHIYA NAMAN TAYO” dahil kasama siya sa katiwaliang ito.

Maging si dating Supreme Justice Antonio Carpio ay naniniwala na may pananagutan si Junjun Marcos sa flood control project anomalies dahil pinirmahan niya ang 2025 National Budget kung saan ay may insertion na nasa mahigit 400 bilyong piso.

Ang nagsasabi lang na walang pananagutan si Junjun Marcos sa flood control project anomalies ay ang kanyang tagapagtanggol na si Palace Press Officer Usec. Claire Castro na tinawag na Ante Kler ng netizens.

                                                                                                                                                          oOo

Para sa reklamo at reaksyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com.

64

Related posts

Leave a Comment