‘PAGBABANTA’ NI PATIDONGAN SA REPORTER IIMBESTIGAHAN

IIMBESTIGAHAN ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) ang umano’y pagbabanta ni Julie “Dondon” Patidongan, ang self-proclaimed whistleblower sa kaso ng mga nawawalang sabungero, laban sa TV5 correspondent na si Gary De Leon.

Sa panayam kay PTFoMS Executive Director Usec. Jose Torres Jr., kinumpirma niyang nakikipag-ugnayan na ang kanilang tanggapan kay De Leon at sisimulan na ang pormal na imbestigasyon sa insidente.

Ang ulat ay unang ipinaabot sa PTFoMS ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) matapos humingi ng tulong si De Leon kaugnay ng umano’y banta sa kanyang buhay mula kay Patidongan.

Ayon sa NUJP, nangyari ang pagbabanta noong Oktubre 27, 2025, nang tangkain ni De Leon na kunin ang panig ni Patidongan at ng kanyang mga abogado hinggil sa ulat na kanyang ginagawa tungkol sa kaso ng mga missing sabungeros.

Kinondena naman ng NUJP ang pangyayari at iginiit na patunay ito na patuloy na nalalagay sa panganib ang mga mamamahayag na tapat lamang sa kanilang tungkulin.

Ibinahagi ni De Leon na tinawag umano siya ni Patidongan na “biased at bayaran,” bagay na mariin niyang pinabulaanan.

Inaasahan ng PTFoMS na matatanggap nila ang opisyal na salaysay ni De Leon sa oras na maisumite niya ang kanyang affidavit upang mapabilis ang imbestigasyon.

(PAOLO SANTOS)

66

Related posts

Leave a Comment