ITINUTULAK ngayon ng Murang Kuryente Partylist na alisin ang 12% Value Added Tax (VAT) sa kuryente na isa sa pangunahing pasanin ng mga Pilipino.
Ayon kay Rep. Arthur Yap, napapanahon nang repasuhin ang Electric Power Industry Reform Act of 2001 (EPIRA Law) na siyang nagtakda ng VAT sa bayad sa kuryente ng mga household consumers.
Sa ginanap na Kapihan sa Manila Bay sa Adriatico, Manila, sinabi ni Yap na inihain na niya sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas na mag-aalis ng VAT sa mga kumukonsumo ng hanggang 300 kilowatt-hour kada buwan.
“Walang dahilan para hindi suportahan ito ng mga mambabatas. Ang kuryente ay pangunahing pangangailangan, hindi luho,” giit ni Yap.
Panawagan pa ng kongresista kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., imbes na mangutang, dapat bawasan ang pondo sa ayuda at tutukan ang pagpapagaan ng buwanang bayarin ng mamamayan.
Matatandaan na una na ring nanawagan si Sen. Rodante Marcoleta na tanggalin ang 12% VAT sa mga pangunahing bilihin upang mapawi ang bigat ng gastusin ng publiko.
(JULIET PACOT)
54
