DPA ni BERNARD TAGUINOD
IPINANGAKO ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na bago magpasko ay may makukulong na mga sangkot sa pinakamalalang katiwalian sa kasaysayan ng bansa… ang harap-harapan at walang takot na pagnanakaw sa flood control projects.
Ramdam siguro ng gobyernong ito na uhaw na uhaw na ang mga Pilipino sa katarungan kaya para maibsan ang kanilang pagkauhaw ay siniguro ni Remulla na hindi magiging masaya ang Pasko ng mga nangurakot sa kaban ng bayan.
Pero kahit may makukulong bago magpasko, hindi pa rin maibsan ang pagkauhaw ng mga Pilipino na pinagnakawan ng mga politikong nagpapanggap na public servant, kung walang matataas at malalaking tao ang maihahawla.
Hindi lang mga kontraktor at mga opisyales ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang dapat makulong dahil hindi naman mangyayari ang katiwalian kung walang namuno sa pagnanakaw na galing sa itaas.
Isa sa nais ng mga tao na makulong ay si dating Ako Bicol Party-list Congressman Elizaldy “Zaldy” Co dahil sa kanyang insertions sa 2025 national budget na ginamit sa flood control projects na hinawakan ni dating DPWH Engineer Henry Alcantara at humingi ng 20 hanggang 25 percent na komisyon na naideliber naman nila.
Kailangang gamitin ng gobyerno ang kanilang kapangyarihan at impluwensya sa ibang bansa para mapauwi si Co dahil imposibleng umuwi nang kusa ang mokong na ito para harapin ang kanyang mga kaso. Wishful thinking ‘yan!
May mga inside report na posibleng nag-apply na ng citizenship si Co sa mga bansa na walang extradition treaty ang Pilipinas para tuluyang takasan ang kanyang pananagutan sa sambayanang Pilipino.
Dapat harangin ito ng Department of Foreign Affairs (DFA) at maging ng Malacañang dahil kung hindi ito makukulong sa pagnanakaw sa kaban ng bayan ay lalong mauuhaw sa katarungan ang mga Pilipinong pinagnakawan.
Malamang na may mas mataas pa kay Co sa nakawang ito at dapat din itong habulin at ikulong dahil hindi kumpleto ang katarungang kung tanging ang mga galamay ang makukulong sa pinakamalaking nakawang ito sa kasaysayan ng bansa.
Isa pa na papatid sa uhaw ng mga tao sa katarungan ay dapat bawiin ang lahat ng mga ninakaw na pondo. Hindi man kumpleto ang mababawi pero dapat ay may mabawi dahil walang karapatan ang pamilya ng mga kawatan na mamuhay nang marangya habang naghihirap ang mamamayan na pinagnakawan ng kanilang mahal sa buhay.
Tingnan n’yo ang pamilyang Marcos, hindi nabawi ang lahat ng ill-gotten wealth ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., kaya ang kanyang asawa at mga anak ay nabubuhay nang marangya at naging Presidente pa ang kanyang Junior.
Kung nabawi lang sana ang lahat ng ill-gotten wealth, malamang ay naghirap na ang mga mahal sa buhay ni Macoy pero nabubuhay pa rin sila nang marangya at ‘yan ang mangyayari sa pamilya ng mga nagnakaw sa flood control at iba pang proyekto ng gobyerno kapag hindi nabawi ang mga ninakaw nila.
74
