Bakit Hindi Inventory ang Pagbibilang ng Sahig?

GEN Z TALKS ni LEA BAJASAN

NAKATATAWA man sa iba, nakahihiya sa marami ang lumabas na video sa social media kung saan makikita ang isang fastfood crew na nakayuko habang nagtatrabaho. Habang abala ang ibang kasamahan sa pagtanggap ng order at paghahain, siya ay nagbibilang ng tiles sa sahig. Ayon sa ulat, utos daw ito ng kanilang manager bilang bahagi ng “inventory.”

Seryoso ba ito? Ang pagbibilang ng tiles ay hindi inventory. Para sa mga crew, hindi ito biro. Ito ay nakaaapekto sa kanilang dangal at tiwala sa kanilang manager. Ang ganitong uri ng utos ay hindi pamumuno. Ito ay power tripping na nakatago sa likod ng posisyon.

Marami ang nagsabi na malinaw itong halimbawa ng power tripping. At tama sila. May mga tao na iniisip na ang lider ay dapat katakutan. Akala nila kapag ipinahihiya ang iba, napatutunayan nila ang awtoridad.

Pero ano ba ang tunay na lider? Sino ba sa atin ang hindi gusto ng ganitong lider? Gumagabay siya, nagbibigay ng halimbawa, at kumukuha ng respeto. Nawawala ang titulo sa oras, pero ang respeto ay nananatili.

Ang tinatawag na “initiation rites” na kultura, kung saan ang mga bagong kasamahan ay pinagagawa ng walang kabuluhang bagay, ay dapat itigil. Hindi ito tradisyon. Ito ay paulit-ulit na pananakit. Kung ang manager ay tunay na may malasakit, ituturo niya ang aral na may halaga, hindi ipahihiya ang iba sa sahig para magbilang ng tiles.

Ang pamumuno ay hindi pagpaparamdam ng pagiging maliit sa iba. Ito ay pagtulong na lumago sila. Alam ng mabuting manager na mahirap ang trabaho ng crew: nakatayo nang matagal, humaharap sa abala o minsang hindi maayos na customer, naglilinis, at pinananatili ang bilis ng serbisyo. Sa halip na utusan sila ng walang kabuluhang gawain, mas mainam na tulungan silang mapabuti ang kanilang trabaho o gawing mas magaan ang kanilang tungkulin. Ang respeto ay nakukuha sa pagiging makatarungan, hindi sa pananakot.

Ang insidenteng ito ay dapat magsilbing paalala sa lahat na ang posisyon ay hindi lisensya para magyabang. Ito ay responsibilidad. Ang mabuting manager ay nagbibigay ng inspirasyon, hindi ng kahihiyan. Inaayos ang pagkakamali nang hindi binabali ang loob ng crew. Alam niya na bawat kasamahan ay may dangal. Para sa ilan, nakatatawa ang pagbibilang ng tiles, pero sa mga nakaranas nito, ito ay nakahihiya. Ang ganitong kahihiyan ay hindi pagtutulungan sa samahan. Binabasag nito ang tiwala.

Minsan nakalilimutan ng mga may awtoridad na ang pamumuno ay paglilingkod din. Ang tunay na manager ay naglilingkod sa team sa pamamagitan ng paggabay, pagprotekta, at pagkilala sa kanilang halaga. Hindi ito tungkol sa kung sino ang may titulo, kundi sa kung sino ang may pusong mamuno nang may respeto at malasakit.

Isipin mo: gusto mo ba ng boss na nagpapahiya sa iyo o boss na gumagabay sa iyo sa tamang paraan? Para sa akin, malinaw ang sagot. Ang pamumuno ay hindi tungkol sa pagbibigay ng kakaibang utos o pagpapakita ng kapangyarihan. Ang tunay na lider ay nakaaakit ng respeto nang hindi ito hinihingi. Madaling mag-power trip, pero ang pamumuno na nagbubuklod at nagpapalakas sa team ay nangangailangan ng puso, hindi ng ego.

37

Related posts

Leave a Comment