PCG, PNP NAKAALERTO SA PANIBAGONG BAGYONG ‘UWAN’

NANANATILING nakaalerto ang Philippine Coast Guard (PCG) kahit tuluyan nang nakalabas ng bansa ang Bagyong Tino, dahil sa paparating namang Bagyong Uwan, na ayon sa PAGASA ay mas malakas kaysa sa naunang bagyo.

Ayon sa PCG, isinaaktibo na ng Coast Guard District Northeastern Luzon ang kanilang Deployable Response Groups sa San Fernando, La Union, kung saan inaasahang tatama si Uwan sa bahagi ng Northwestern Luzon.

Tiniyak ng ahensya ang kahandaan ng rescue gears, communication equipment, at mga floating assets para sa agarang evacuation at rescue operations. Naka-heightened alert din ang PCG District Bicol bilang bahagi ng paghahanda.

Samantala, tiniyak din ng Philippine National Police (PNP) na handa ito sa posibleng pananalasa ng Tropical Storm “Fung-Wong” o Bagyong Uwan.

Ayon kay PNP Acting Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., inatasan na niya ang lahat ng Regional Directors at Unit Commanders na agad i-activate ang kani-kanilang disaster response plans at tiyaking naka-preposition na ang mga search, rescue, at relief teams sa mga high-risk areas sa pagbaha, pagguho ng lupa, at storm surge.

Dagdag pa ni Nartatez, magdadagdag ng mga pulis sa evacuation centers, pangunahing lansangan, at pampublikong lugar upang mapanatili ang kaayusan at maayos na daloy ng trapiko.

Patuloy rin ang koordinasyon ng PNP sa NDRRMC, Armed Forces of the Philippines, PCG, at mga lokal na pamahalaan para sa mabilis na pagtugon bago, habang, at pagkatapos ng bagyo.

Nakikipag-ugnayan din ang PNP sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa relief operations, at sa Department of Transportation (DOTr) para sa seguridad sa mga pantalan at terminal.

(JOCELYN DOMENDEN/TOTO NABAJA)

73

Related posts

Leave a Comment