PNP naka-full alert sa paglapit ng bagyong ‘Uwan’

HABANG naghahanda ang bansa sa posibleng pananalasa ng Tropical Storm Fung-Wong — na papangalanang “Uwan” pagpasok nito sa Philippine Area of Responsibility — tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na handa ang buong pwersa sa pagtugon, lalo na sa mga lugar na posibleng tamaan ngayong weekend.

Ayon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at sa patnubay ng Department of the Interior and Local Government (DILG), nakikipag-ugnayan na ang PNP sa mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensya para tiyakin ang kaligtasan ng publiko.

Iniutos ni Acting PNP Chief, Police Lt. Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang paglalagay sa lahat ng yunit ng full alert status at ang mahigpit na pakikipagtulungan sa mga lokal na opisyal sa pagpapatupad ng preemptive o mandatory evacuations kung kinakailangan.

“Maaga pa lang, gumagalaw na ang ating mga tauhan para masiguro na maililikas ang mga pamilya sa mga delikadong lugar. Tutulong din tayo sa pagpapanatili ng kaayusan, pagbabantay sa mga pasilidad, at seguridad sa mga daanan at evacuation centers,” ayon kay Nartatez.

Partikular na binibigyang-pansin ng PNP ang mga rehiyon sa Hilaga at Gitnang Luzon, kung saan inaasahan ang malalakas na ulan at bugso ng hangin kapag tuluyang pumasok ang bagyo sa PAR.

Nakikipag-ugnayan na rin ang PNP disaster response teams sa AFP, Coast Guard, at BFP para sa mga rescue at relief operations, lalo na sa mga lugar na madalas bahain o gumuho ang lupa.

Nanawagan din si Nartatez sa publiko na manatiling kalmado, disiplinado, at makiisa sa mga hakbang ng pamahalaan. “Ang kahandaan at pagtutulungan ng bawat isa ang susi para mabawasan ang pinsala ng bagyo,” aniya.

Hinikayat din ng PNP ang publiko na sumubaybay lamang sa opisyal na abiso ng PAGASA at iwasan ang pagpapakalat ng maling impormasyon habang papalapit ang bagyong Uwan.

(JULIET PACOT)

 

71

Related posts

Leave a Comment