EASTERN SAMAR – Habang hinahagupit ng Super Typhoon Uwan ang malaking bahagi ng Pilipinas, isang sunog ang naganap sa gitna ng bagyo na ikinamatay ng maglola na na-trap sa nasusunog nilang bahay nitong Lunes ng umaga sa Borongan City sa lalawigan.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection, posibleng napabayaang kandila ang pinagmulan ng sunog dahil walang kuryente sa malaking bahagi ng Borongan bunsod ng pananalasa ng Typhoon “Uwan” (International name: Fung-Wong).
Idineklarang dead on arrival sa pagamutan ng 73-anyos na lola at ang dalagang apo nito na 21-anyos, na hinihinalang na-suffocate ng makapal na usok na tumupok sa kanilang bahay sa Barangay Alang-Alang, sa nasabing siyudad.
Ayon kay Borongan City Fire Station, Fire Chief Inspector Victor Ygbuhay, natagpuan na walang malay ang maglola sa loob ng kanilang nasusunog na two storey house at tinangka pa nilang bigyan ng paunang lunas bago itinakbo sa pagamutan.
Sinasabing nagsimula ang sunog pasado alas-una ng madaling araw at agad na nirespondehan ng mga pamatay-sunog matapos na matanggap nila ang tawag.
Sa paunang imbestigasyon, sinasabing nagmula ang apoy sa kuwarto kung saan natutulog ang maglola na gawa sa light materials.
Ganap na alas-1:50 ng madaling araw ay idineklarang fire under control at bandang alas-2:00 ng umaga ay ganap ng naapula ang sunog.
(JESSE RUIZ)
71
