Isinabay sa bagyo KELOT TINADTAD NG BALA SA QUEZON

QUEZON – Sa gitna ng masamang panahon at pananalasa ng Bagyong Uwan, isang lalaki ang namatay matapos umanong ratratin ng hindi pa nakikilalang mga suspek sa Sitio Mahal na Señor, Barangay Sta. Catalina Norte, sa bayan ng Candelaria sa lalawigan noong Sabado ng madaling araw, Nobyembre 9.

Kinilala ng mga awtoridad ang biktima sa pangalang “Danilo”, 41-anyos, residente ng Brgy. Malabanban Norte sa nasabing bayan.

Ayon sa ulat ng pulisya, bandang alas-5:45 ng umaga nang madiskubre ng isang residente ang wala nang buhay na biktima sa tabi ng isang motorsiklo.

Sa isinagawang imbestigasyon, napag-alamang may mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima.

Natagpuan din sa lugar ng krimen ang 13 basyo ng bala ng kalibre .45 na baril, indikasyon na paulit-ulit itong pinaputukan.

Agad nagresponde ang mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) mula sa Quezon Provincial Forensic Unit habang patuloy pa ring iniimbestigahan ng mga awtoridad ang motibo sa likod ng pamamaslang at kung sino ang salarin.

(NILOU DEL CARMEN)

87

Related posts

Leave a Comment