SEN. MARCOLETA, DAPAT IMBESTIGAHAN!

RAPIDO ni PATRICK TULFO

NANINIWALA si Atty. Michael Henry Yusingco, Senior Research Fellow at the Ateneo Policy Center of the Ateneo School of Government, na hindi lang dapat pagpaliwanagin si Sen. Rodante Marcoleta, kundi dapat ay imbestigahan dahil sa isinumite nitong report ng kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net worth (SALN).

Base sa report na ipinasa ni Marcoleta sa Senado, nasa kulang-kulang P52M ang kanyang assets o ari-arian. Pero sa isinumite nitong Statement of Contribution and Expenses (SOCE), umaabot sa P122.5 milyon ang nagastos nito noong nakaraang 2025 National Elections.

Ang tanong sa senador ay paano niya natustusan ang kanyang kandidatura kung nasa P52M lang ang kanyang mga ari-arian.

Ayaw rin pangalanan ni Marcoleta kung sino-sino ang mga nagbigay ng kontribusyon sa kanyang pagtakbo. Legal umano ang pagtatago ng mga pangalan ng kanyang contributors.

Pero ayon kay Atty. Yusingco, parang wala na ring saysay kung ideklara ng isang politiko ang kanyang gastos sa eleksyon kung hindi naman nito pangangalanan sa report kung kanino galing ang kanyang pondo.

May itinatago ba ang contributors mo, Sen. Marcoleta, kaya ayaw lumantad? Ano pa ang silbi ng pagdeklara mo ng SOCE kung ‘di mo maipaliliwanag kung saan galing ang pondo mo?

Ganyan din ang tanong sa kaso ni Sen. Chiz Escudero na may pinakamaliit na idineklarang SALN. Nasa P18M lang umano ang total assets ni Sen. Escudero. Pero ang nakapagtataka ay kung paanong nakabili ang senador ng iniregalo niyang singsing sa kanyang asawa na si Heart Evangelista, na nagkakahalaga ng $5million umano. Ang katanungan ay bunsod nang maging viral ang video ni Heart na tinanggap ang nasabing regalo mula sa senador.

Sang-ayon naman si Atty. Yusingco sa inyong lingkod na dapat ay magkaroon ng ahensya na magsasala o magkukumpirma kung totoo ang idineklarang SALN ng mga politiko at hindi puro kasinungalingan lang.

27

Related posts

Leave a Comment