NAILIGTAS ng Southern Police District (SPD) ang isang 26-anyos na Vietnamese national mula sa human trafficking sa ikinasang operasyon sa isang hotel sa Makati City nitong Biyernes ng madaling araw. Arestado naman ang kababayan nitong itinuturong recruiter-trafficker.
Ayon kay P/Lt. Col. Antonio Ananayo, ang biktima na si alyas Tru’O’ng ay nasagip habang nasilo sa entrapment ang suspek na si alyas Houng, 29, na nahaharap ngayon sa paglabag sa Republic Act 9208 o Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2022, na inamyendahan ng RA 10364 at RA 11862.
Dakong 3:30 a.m. noong Nobyembre 14 nang ikasa ng District Special Operations Unit (DSOU) ang operasyon, kasama ang District Intelligence Division, Intelligence Section, District Mobile Force Battalion, Women and Children Concern Section, at Makati Social Welfare Department.
Base sa impormasyon, ginagamit umano ni Houng ang social media para mambiktima ng mga dayuhang babae, saka sapilitang pinagtatrabaho sa ilegal na aktibidad at kinukumpiska ang kanilang mga pasaporte upang walang takas.
Nakumpiska sa suspek ang kanyang personal identification card, mga condom, isang P1,000 bill na ginamit sa entrapment, at isang iPhone 16 Pro Max na umano’y gamit sa pag-aalok ng babae para sa prostitusyon.
(CHAI JULIAN)
4
