NAG-ALOK ng isang milyong piso na pabuya ang Department of Justice (DOJ) para sa anomang impormasyong magtuturo sa kinaroroonan ng principal accused sa qualified human trafficking na si Cassandra Li Ong, executive ng Lucky South 99 at kapwa akusado ni dating Bamban, Tarlac mayor Alice Guo.
Ito ang inanunsyo ni Justice Secretary Fredderrick A. Vida sa isang press briefing, kung saan kinumpirma niyang “urgent” ang utos na madakip si Ong at maiharap sa hukuman.
Si Guo ay nauna nang hinatulan ng reclusion perpetua ng Pasig City Regional Trial Court dahil sa pagkakasangkot sa ilegal na operasyon ng POGO hub ng Lucky South 99. Parehong nahaharap sina Guo at Ong sa kasong qualified human trafficking.
Naka-Red Notice na
Ayon kay Sec. Vida, may inilabas nang Interpol Red Notice, Hold Departure Order, at kanselasyon ng pasaporte laban kay Ong. Tingin ng DOJ ay fugitive na ito at posibleng dumaan sa “backdoor exit” dahil walang departure record sa Bureau of Immigration.
“Crowdsourcing initiative ito para makakuha ng dagdag na impormasyon. Kapag nalocate siya, agad natin siyang mahaharap sa puwesto ng batas,” ayon kay Vida.
Kinumpirma ng PAOCC na huling na-track sa Japan si Ong, kaya handa na ang DOJ na makipag-ugnayan sa Japanese authorities.
Passport Cancelled
Kinansela na rin ang mga pasaporte ng iba pang akusado kabilang sina Harry Roque, Ong, at iba pa, alinsunod sa utos ng Pasig RTC Branch 157. Kapag nasa ASEAN territory ang fugitive, mabilis itong maipapaalam ng DOJ sa tulong ng Bureau of Immigration.
Kapag walang valid passport, maaari na silang isailalim sa deportation proceedings kung saan man sila matagpuan.
Ayon kay DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez, wala pang mekanismo ang Pilipinas para agad pabalikin si Roque dahil nasa abroad ito at nakadepende pa ang hakbang sa koordinasyon sa host country.
Sa isang Facebook Live kamakailan, sinabi ni Roque na handa siyang humarap sa kaso ngunit naniniwala siyang papayagan siyang humingi ng asylum sa ibang bansa.
(JULIET PACOT)
16
