CONG. SANDRO MARCOS MAY P50.9-B INSERTIONS DIN SA NAT’L BUDGET?

PUNA ni JOEL O. AMONGO

ISINIWALAT ni dating Ako Bicol Representative Zaldy Co sa kanyang pinakabagong inilabas na video, na maging si Ilocos Norte Congressman Sandro Marcos ay may bilyun-bilyong pisong insertions sa pambansang budget.

Ayon kay Co, mula 2023 hanggang 2025 ay may insertions sa pambansang pondo si House Majority Leader Sandro Marcos na nagkakahalaga ng P50.9 billion.

Narito ang detalyadong halaga ng insertions ni Sandro Marcos: P9.63-B – 2023; P20.17-B – 2024; P21.127-B – 2025 na may kabuuang P50.938 billion.

“Hindi lang po ang Pangulo may insertions sa budget, pati po si Congressman Sandro Marcos. At bawat taon po sa tuwing dumarating ang Bicam budget, lagi pong may utos si Congressman Sandro na ipasok ang mga proyekto niya,” ayon pa sa kanya.

Sinabi pa niya, na maging ang ilang contractor ay galit umano kay Sandro matapos mabawasan ang P8 bilyon na gusto nitong ipasok sa 2025 budget. May ilang contractor na umano’y nakapag-advance na ng pera kaya nagalit daw ang batang Marcos.

Bilang patunay, inilabas ni Co ang umano’y listahan ng mga proyektong isiningit ni Sandro mula nang unang maupo bilang kongresista noong 2022 sa Ilocos Norte.

Isiniwalat din ni Co ang umano’y pulong noong Marso 2025 na inayos ni Justice Undersecretary Jose “Jojo” Cadiz kasama sina Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez sa Aguada St., Malacañang.

Sa halip aniyang kumalma ang Pangulo, lalo pa raw itong nagalit. Ayon kay Co, ito ang mismong sinabi sa kanila: “Huwag mo akong pigilan sa mga insertions ko. Huwag ka nang makialam sa budget.”

Sabi pa ni Co, dito niya nakumpirma na mismong ang Pangulo ang nag-utos kina dating Budget Sec. Amenah Pangandaman at PLLO USec. Adrian Bersamin na ipasok ang P100-B proyekto sa budget, bagay na hindi naman pinasinungalingan ni Marcos.

Dagdag pa niya, isinulong pa raw ni Cadiz na magsingit ng P50-B sa pondo, pero tumugon ang Pangulo ng: “Humingi ka ng bago o dagdag na insertions.”

Sinabi naman ni Sandro Marcos na ang pagsisiwalat ni Co ay isang uri ng destabilisasyon laban sa administrasyon.

May nagsasabi naman na ang malalang korupsyon ngayon sa administrasyon ay uri ng destabilisasyon dahil patuloy na bumabagsak ang ekonomiya ng bansa.

Marami umanong foreign investors ang nagsipag-atrasan na mamuhunan sa Pilipinas dahil natatakot silang malugi dahil sa kawalan ng accountability at kaayusan sa bansa.

May mga nagpaplano na ring overseas Filipino Workers (OFWs) na magsagawa ng non-remittance sa Pilipinas bilang bahagi ng kanilang protesta dahil sa malawakang katiwaliang nangyayari ngayon sa bansa.

Nanghihinayang sila na ang bahagi ng kanilang ipinadadala sa bansa ay ninanakaw lang ng mga opisyal ng gobyerno, kasama ng mga mambabatas.

Maging ang mga artista sa bansa ay nagpahayag na rin ng pagkadismaya, ayon sa kanila nakapanghihinayang na sila ay tapat na nagbabayad ng kanilang buwis, subalit ninanakaw lang ng kurakot na mga opisyal ng pamahalaan at mga mambabatas.

Dahil sa matinding korupsyong ito, sa Linggo, Nobyembre 30, Bonifacio Day, ay muli na namang magsasagawa ng malawakang kilos protesta sa Luneta, Maynila at sa EDSA People Power Monument sa Quezon City.

oOo

Para sa reaksyon at suhestiyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com.

30

Related posts

Leave a Comment