COMELEC HINDI NAGPATANGAY SA INTRIGA SA ISYU KAY CHIZ

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

IBINASURA na ng Comelec ang usapin ng “campaign donation” laban kay Senator Francis “Chiz” Escudero. Tama lang. Sa panahon kung kailan ginagamit ang mga institusyon para sa pulitikal na intriga, mahalagang kilalanin na ang reklamong ito ay manipis, mahina, at walang sapat na batayan upang paniwalaan.

Una, hindi kapani-paniwala ang alegasyon na higit 100 contractor ang sabay-sabay na magbibigay ng kickback sa isang Senate President na hindi naman itinuturing na kasapi ng matibay na paksyon sa Malacañang. Kilala si Escudero bilang isang independent—isang mambabatas na hindi umaayon sa dikta ng sinomang political clique. Ang ganitong tipo ng akusasyon ay malinaw na hindi nakasandal sa realidad kundi sa imahinasyon ng mga gustong manira.

Pangalawa, si Chiz ay madaling target dahil sa kanyang kasikatan, mataas na recall, at koneksyong showbiz dahil sa kanyang asawa. At sa kasagsagan ng kontrobersyal na impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, si Escudero ang tahasang nanindigan na dapat igalang ang proseso. Hindi nakapagtataka na siya ang piniling puntiryahin ng mga pwersang nabagabag sa katotohanang mismong Korte Suprema ang nagsabing minadali ang impeachment. Imbes na pahalagahan ang kanyang panawagan para sa due process, siya pa ang inatake.

Pangatlo, hindi rin maitatanggi na may dahilan ang ilang grupo para patahimikin siya. Matagal nang tinutukoy ni Escudero ang kahina-hinalang “insertions” sa national budget. Noong 2023 pa lamang, binangga na niya ang mga nasa likod ng hindi maipaliwanag na dagdag sa pondo. Mula hearings hanggang privilege speeches, tinutukan niya ang tunay na mga nasa likod ng budget architecture. Kaya naman, ang timing ng mga paratang ay masyadong perpekto at masyadong halata.

Pang-apat, malinaw na diversionary tactic ang reklamong ito. Sa halip na sagutin ang tunay na isyu—ang anomalya sa budget—sinisikap na ilipat ang atensyon ng publiko. Ang nagbubunyag ngayon ang gustong palabasing may sala. Hindi na bago ang ganitong estilo ng pulitikal na pag-atake, sabi nga, guluhin ang tubig para hindi makita ang nasa ilalim.

Sa huli, higit pa ito sa usapin ng isang senador. Usapin ito ng prinsipyo. Kailangan ng bansa ang ebidensya, hindi haka-haka; malinaw na proseso, hindi palabas; integridad, hindi intriga. At kung may isang bagay na ipinakita ng pangyayaring ito, iyon ay ang katotohanang hindi basta-basta matitinag si Chiz Escudero sa harap ng pulitikal na paninira.

47

Related posts

Leave a Comment