MALAMIG ang tugon ng oposisyon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sa pahayag ni Vice President Sara Duterte na handa siyang tumayo bilang pangulo sakaling bumaba sa puwesto si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., hangga’t hindi nito hinaharap ang isyu ng ilegal na paggamit ng confidential at intelligence funds (CIFs).
“Baka mas mahalaga na maging ready siya na harapin niya ang accountability sa mga ginawa as vice president and even as DepEd Secretary. So bago mag-aspire at mag-assume na siya na ‘yan, unahin niyang paghandaan ang pagharap sa accountability sa confidential at intelligence funds,” pahayag ni Akbayan party-list Rep. Perce Cendaña sa isang ambush interview.
Ito ay bilang tugon sa pahayag ni Duterte na walang kuwestiyon sa kaniyang kahandaan na palitan si Marcos sa gitna ng umiinit na imbestigasyon sa anomalya sa flood control projects.
Ayon kay Cendaña, hindi maaaring pag-usapan ang paghahanda sa pagkapangulo hangga’t hindi sinasagot ni Duterte ang mga alegasyon sa maling paggamit ng CIF ng Office of the Vice President mula 2022 hanggang 2023, na nagbunsod sa paghahain ng impeachment complaint laban sa kaniya noong Pebrero 2025.
Hindi natuloy ang paglilitis sa impeachment matapos kampihan ng Korte Suprema si Duterte at hindi agad umaksyon ang Senado sa articles of impeachment na inakyat ng Kamara.
“Mukhang dapat munang harapin ni VP yung mga impeachable offenses na nabanggit natin sa impeachment complaint. Sagutin muna ‘yun saka tayo mag-usap sa iba niyang allegations,” ani Cendaña.
Para naman kay Kabataan party-list Rep. Renee Co, ang pag-iwas umano ni Duterte sa pananagutan at ang umano’y paglala ng kalidad ng edukasyon noong pinamunuan nito ang Department of Education ay indikasyon na hindi ito handa para sa mas mataas na posisyon.
Kinuwestiyon din ni Co ang timing ng pagkalas ni Duterte sa administrasyong Marcos, na aniya’y naganap matapos busisiin ang paggamit niya ng CIF, kabilang ang P125 milyon na naubos umano sa loob lamang ng 11 araw noong 2022.
“Corruption is a Uniteam project. Kung tingin niya korap si Marcos, bakit hindi niya seryosong inungkat at nilabanan ang korapsyon? Nagsalita lang siya kung kailan sila na rin ang ginigipit sa pondo na pwedeng kupitin. Sa gitna ng nakawan, iniwanan ni Sara Duterte ang mga Pilipino. Konsintidor siya sa mga mastermind ng korapsyon dahil ambisyon niya ring patakbuhin ang bulok na sistema,” dagdag pa ni Co.
(BERNARD TAGUINOD)
11
