Gustong ipabusisi sa Kamara PAG-FREEZE NG ASSETS SA FLOOD MESS MAKUPAD

NAGHAIN ng resolusyon ang mga kongresista ng Liberal Party (LP) upang alamin kung bakit maliit pa lamang ang halaga ng na-freeze na assets ng mga sangkot sa anomalya sa flood control projects, sa kabila ng umiiral na mga batas laban sa unexplained wealth at money laundering.

Sa House Resolution (HR) 524 na inakda ng grupo sa pangunguna ni Mamamayang Liberal (ML) party-list Rep. Leila de Lima, inatasan ang House Committee on Justice na busisiin ang implementasyon ng Republic Act (RA) 1379 o Unexplained Wealth Law at RA 9160 o Anti-Money Laundering Act. Giit ng mga mambabatas, mistulang hirap ang pamahalaan na kumpiskahin ang nakaw na yaman ng mga opisyal ng gobyerno na sangkot sa katiwalian.

Ginawa ang panukala matapos ilahad ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kanyang Facebook page na P12 bilyon pa lamang sa assets ng mga sangkot sa flood control scam ang na-freeze ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) mula nang simulan ang imbestigasyon.

Kabilang sa mga na-freeze na ari-arian ang air assets ni dating Congressman Zaldy Co na nagkakahalaga ng P4 bilyon; 3,566 bank accounts; 198 insurance policies; 247 sasakyan; 178 real properties; at 16 e-wallets ng mga indibidwal na pinaniniwalaang sangkot sa anomalya.

“However, the value of assets recently recovered by the State from the personalities and accounts believed to be linked to the alleged corruption scheme would appear a pittance compared to the estimated hundreds of billions of pesos lost to organized corruption amid the biggest corruption scandal in the country’s history,” ayon sa resolusyon.

Dahil dito, hiniling ng grupo na repasuhin at, kung kinakailangan, amyendahan ang mga nabanggit na batas upang mapabilis ang pagkumpiska ng ari-arian ng mga opisyal ng gobyerno at mga pribadong indibidwal na sangkot sa pagnanakaw sa kaban ng bayan.

Tatalakayin sa imbestigasyon kung paano nagtutulungan ang Office of the Solicitor General (OSG), Department of Justice (DOJ), Office of the Ombudsman, AMLC, at iba pang ahensya sa pagbawi ng mga nakaw na yaman, lalo’t lumilitaw umano ang kahirapan ng mga ito na maipatupad ang batas, gaya ng nakikita sa kaso ng flood control scam.

“The people’s trust is at stake here. Kailangan nilang makita at maramdaman na talagang may nangyayari na, na bukod sa dapat maipakulong ang mga corrupt, dapat maibalik din ang mga ninakaw sa taumbayan at magamit sa mga programa at proyektong talagang may pakinabang,” ani De Lima.

(BERNARD TAGUINOD)

3

Related posts

Leave a Comment