MAHIGIT P31.3 milyong halaga ng ilegal na droga ang nakumpiska habang 77 high value individuals (HVI) at 292 street level individuals ang natimbog sa buong buwan ng Nobyembre sa isinagawang operasyon ng Police Regional Office 11.
Ito ang inihayag ni PRO 11 director, P/Brig Gen. Leon Victor Rosete, sinabing umabot sa 369 drug personalities ang kanilang naaresto sa buong buwan.
Sa nasabing bilang, umabot sa 313 anti-illegal drugs operations ang kanilang ikinasa na kinabibilangan ng 206 buy-bust at 49 implementations of warrant of arrest.
Ayon kay Rosete, kabilang dito ang 4 na flagrante delicto, 24 na checkpoints operations, 4 searches incidental to lawful arrests, at 10 police responses.
Nasa 4,592 gramo ng droga na nagkakahalaga ng P31,228,645 at 1,259 gramo ng marijuana na nagkakahalaga ng P151,167, ang kabuuang nakumpiska ng pulisya.
Ang Davao City Police Office ang may pinakamaraming nakumpiskang droga na umabot sa P16,452,098 at may 190 nadakip na sinundan naman ng Davao del Norte Provincial Office na may nakumpiskang halos P8 milyong halaga ng droga at 89 ang naaresto.
Nagbabala naman ang pamunuan ng PRO 11 sa pangunguna ni Rosete, na patuloy ang gagawin nilang mahigpit na operasyon kontra ilegal na droga.
(TOTO NABAJA)
31
