KAPAG PINAHAHALAGAHAN ANG TAO, LALAKI ANG NEGOSYO

GEN Z TALKS ni LEA BAJASAN

HABANG nanonood ako ng vlog ni Karen Davila tungkol sa Del Monte, napansin ko kung paano nila pinahahalagahan ang kanilang mga manggagawa. Hindi lang sila basta empleyado na kumikita ng sahod, kundi mga tao na may pamilya, pangarap, at pangangailangan. Ang ganitong pananaw ay bihira sa mundo ng negosyo, pero malinaw ang epekto nito sa paglago at tagumpay ng kumpanya.

Hindi lang basta sahod ang ibinibigay ng Del Monte. Para sa marami sa kanilang mga manggagawa sa plantasyon at pabrika, may maayos na tirahan o allowance sa bahay, libreng transport papunta at pauwi sa trabaho, at school bus para sa mga anak. Bukod dito, may mga programang sumusuporta sa edukasyon at kabuhayan ng pamilya ng empleyado. Sa ganitong paraan, hindi lang nakakatira ang mga manggagawa, kundi naka-aangat din ang kanilang pamilya sa tulong ng kumpanya.

Kasama rin sa benepisyo ang kalusugan. May libreng check-up, dental at medical coverage, pati ospital kapag kinakailangan. May retirement plan at iba pang uri ng seguridad sa hinaharap na bihira sa ibang trabaho. Ang ganitong suporta ay nagbibigay kapanatagan sa isip ng mga empleyado. Hindi lang sila nabubuhay para sa araw-araw, kundi may tiwala sila sa kanilang kinabukasan.

Higit pa rito, ang ilang plantasyon at pabrika ay parang maliit na komunidad. May paaralan, klinika, at lugar para sa paglalaro at libangan. Nakakukuha rin ang mga anak ng empleyado ng pagkakataong lumahok sa sports, arts, at tutorials, na nagbibigay ng mas magandang kinabukasan sa kanilang paglaki. Makikita rito na ang kumpanya ay nagmamalasakit hindi lang sa empleyado kundi pati sa buong pamilya.

Ang natutunan ko mula rito ay malinaw: ang malaking sahod lang ay hindi sapat para manatili at maging masaya ang isang empleyado. Kailangan ding may seguridad, suporta sa pamilya, at komunidad. Kung palaging iniisip ng tao ang upa sa bahay, bayarin sa ospital, o edukasyon ng mga anak, kahit mataas ang sahod, mahirap pa rin itong sapatin.

Ngayon, mas pinahahalagahan ng maraming manggagawa ang benepisyo kaysa mataas na suweldo. Gusto nila ng trabaho na sumusuporta sa kanilang pamilya, kalusugan, at kinabukasan. Ang mga kumpanyang nagbibigay ng tunay na suporta at malasakit sa empleyado ang mas nagtatagal at mas pinipili ng mga tao.

Para sa mga may-ari ng negosyo, ito ay mahalagang aral. Mahalaga ang kita, pero higit na mahalaga ang tao. Kapag pinahahalagahan mo ang empleyado bilang tunay na tao at hindi lamang bilang generator ng profit, mas gugustuhin nilang ibigay ang kanilang kahusayan sa kumpanya. Mananatili sila at lalago kasama ng kumpanya.

Ang halimbawa ng Del Monte ay nagbibigay ng pag-asa. Ipinakikita nito na puwedeng magmalasakit ang kumpanya sa tao. Sa pamamagitan ng respeto at suporta, nabubuo hindi lang ang produkto kundi maging ang tiwala, katapatan, at komunidad. Para sa akin, ito ang puso ng kumpanyang tatagal sa mahabang panahon at magtatagumpay hindi lang sa kita kundi maging sa malasakit sa tao.

37

Related posts

Leave a Comment