KAILANGAN NA TALAGA ANG ANTI-POLITICAL DYNASTY LAW

DPA ni BERNARD TAGUINOD

KAILANGAN na talagang buwagin ang political dynasty para makaiwas na tayo sa political drama, political families tulad ng pamilyang Marcos at Duterte na animo’y sila lang ang may kakayahang mamuno sa ating bansa.

Sa nangyayari ngayon, parang sa dalawang pamilyang ito lang umiikot ang ating mundo na kapwa may bahid naman ng corruption at umiiwas sa kanilang pananagutan sa taumbayan at naglalaban, hindi para sa kapakanan ng bansa kundi sa pansariling interest lang.

Nagpapaligsahan ang dalawang pamilyang ito sa propaganda na humahati sa ating bayan imbes na pagkaisahin dahil ‘yung isa, ayaw umalis sa puwesto habang ‘yung isa naman ay nagmamadaling umakyat sa mas mataas na puwesto.

Ang naiipit dito ay ang taumbayan na kanilang napababayaan dahil sa agawan sa kapangyarihan, kaya talo ang mga Pilipino lalo na ‘yung mga walang kinakampihan at pakinabang sa dalawang pamilyang ito.

Pero pwede namang maiwasan ang ganyang mga pamilya kung magkakaroon ng batas na nagbabawal sa mga magpapamilya na sabay-sabay tumatakbo sa iba’t ibang posisyon sa gobyerno.

Halos apat na dekada na ang 1987 Constitution pero wala pang nagagawang batas para maimplementa ang anti-political dynasty law at kung hindi pa rin makagagawa ang Kongreso ng implementing law, asahan mo na iikot lang ang ating mundo sa dalawang pamilyang ito.

Ika nga ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III “walang pagbabago hangga’t hindi mabuwag ang mga political dynasties sa ating bansa at ‘yung pangarap natin na umunlad, kalimutan niyo na ‘yan!”

Kasing edad ng saligang batas ang pamilyang Duterte sa kapangyarihan dahil noong mapatalsik ang diktador na si Ferdinand Marcos Sr., noong 1986, ay iniluklok ni Cory si Digong bilang acting mayor ng Davao City.

Mula noon ay hindi na nila binitiwan ang Davao at nagpapalitan na lang silang mag-aama sa kapangyarihan habang ang mga Marcos naman ay nagsimulang bumalik sa pulitika, isang dekada pagkatapos silang patalsikin sa Malacañang.

Halos lahat ng itinalagang acting mayor at governor pagkatapos ng EDSA people power revolution ay hindi na bumaba sa kanilang puwesto bagkus ay naitatag nila ang kanilang dinastiya sa kanilang probinsya at bayan.

Pero umasenso ba ang ating bansa? Hindi dahil parang pinalitan lang ang corrupt na gobyerno ng mas corrupt na mga politiko na hindi nakaporma noong panahon ng diktadurya at parang mas malala pa sila.

Mas lumalala pa ang katiwalian sa nakaraang halos apat na dekada kaya ang natitirang paraan ay buwagin ang political dynasty para makaiwas na tayo sa mga pamilyang akala mo hindi tayo mabubuhay kung wala sila!

39

Related posts

Leave a Comment