RAPIDO ni PATRICK TULFO
NAGPAINIT ng ulo ng maraming Pinoy ang sinabi ni Trade Secretary Maria Cristina Aldeguer-Roque na kasya ang P500 na panghanda sa Noche Buena.
Maaaring totoong kasya ang P500 na panghanda sa Noche Buena pero sana ay hindi sa katulad nilang nasa gobyerno nanggagaling ang mga ganitong salita.
Insensitive kung maituturing ang mga ganitong pahayag lalo na’t mainit pa ang isyu ng korupsyon sa bansa.
Para sa mga karaniwang mamamayan, ang P500 na panghanda ay sumasalamin lang kung gaano kahirap ang bansa habang nagpapakasasa ang mga korap sa pera ng bayan.
Aminin na natin, silang mga nakaupo sa gobyerno ay maghahanda ng nasa libo-libong halaga ng pagkain sa Noche Buena dahil may pera sila.
Hindi na dapat sila nagbigay ng ganyang mga pahayag kahit na sabihin nating hiningi lang ang kanilang opinyon.
Sa kawikaang “You are rubbing salt to injury”, tila dinidikdik pa ng kalihim sa mamamayan ang pagiging mahirap, na tama lang na magtiyaga sa P500 na panghanda.
Gayunpaman, huwag nating kalimutan ang tunay na kahulugan ng Pasko. May handa man o wala, konti man o maraming handa, dapat natin isaisip na kapanganakan ito ng ating Panginoong Hesus.
Nasa sarili pa rin nating pagsisikap ang ihahain natin sa ating pamilya. Huwag nating iasa sa gobyerno ang ating mga kabuhayan. Pero huwag din tayong maging pipi at bingi sa nangyayaring korupsyon sa ating bansa.
30
