POLONG UMATRAS SA ICI

TALIWAS sa una niyang “walang tinatago” na pahayag, umatras si Davao City Rep. Paolo “Polong” Duterte sa imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) hinggil sa umano’y kwestiyunableng flood control projects sa kanyang distrito.

Kabilang si Duterte sa ipinatawag ng ICI, pero sa dalawang pahinang sulat nito kay ICI Chairman Andres Reyes Jr., iginiit niyang wala umanong hurisdiksyon ang komisyon sa kanya.

“The ICI appears without power nor jurisdiction over me,” ayon kay Duterte, na kinuwestyon ang kapangyarihan ng ICI dahil ito’y nilikha lamang sa ilalim ng Executive Order 94 ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Dahil dito, aniya, hindi puwedeng pilitin ang miyembro ng Kongreso na humarap sa imbestigasyon.

Dagdag pa niya, kulang at walang factual basis ang paanyaya dahil hindi binanggit ng ICI kung anong impormasyon ang hawak laban sa kanya.

Pinunto rin niya na ang Executive Department at hindi ang Kongreso ang nagpapatupad ng mga proyekto, kaya hindi siya dapat pinapatawag.

Sa datos, nakakuha ang unang distrito ng Davao City ng P51 bilyon na proyekto mula 2020–2022, sa unang termino ni Duterte. Mahigit P6 bilyon dito ang flood control, pero ayon kay ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, mahigit P4 bilyon ang kuwestiyonable.

Hindi itinanggi ni Duterte ang P51 bilyon, pero giit niya, hindi siya bahagi ng House Appropriations Committee noong 2019–2022, kaya “wala siyang kakayahang sagutin” ang tanong ng komisyon.

Sa halip, binanatan pa niya ang ICI at sinabing dapat nitong imbestigahan sina Marcos at House Speaker Martin Romualdez, kaugnay sa pagbubunyag ni dating congressman Zaldy Co laban sa kanila.

“It is a continuing political propaganda and harassment against our family,” giit ng kongresista, na sinabing layon daw nitong siraan ang pamilya Duterte ngayong papalapit ang 2028 elections.

Tinio: Bakit biglang dinaga?

Sa kabilang banda, hindi pinalampas ni Tinio ang pag-atras ni Duterte.

“Bakit biglang dinaga si Polong?” tanong ni Tinio, sabay paalala sa unang pahayag ng mambabatas na “wala tayong tinatago” at “welcome ang investigation.”

“Anyare? Wala ka lang palang sisiputan,” banat ng kongresista.

Binira ni Tinio ang pagdepensa ni Duterte sa “pribilehiyo” bilang kongresista, pero iwas sa aktwal na imbestigasyon.

“Malakas ang loob niya magpostura na walang anomalya, pero ngayong inimbita sa aktwal na imbestigasyon, nagtatago siya,” aniya.

“Hindi sasapat ang general denial. Humarap siya at sumagot sa mga tanong hinggil sa paggastos ng pondo ng bayan sa kanyang distrito,” dagdag ni Tinio.

31

Related posts

Leave a Comment