SUMUNOD sa itinatakda ng 2024 General Appropriations Act (GAA) ang Department of Finance (DOF) nang gamitin nito ang idle funds mula sa mga government-owned and controlled corporations (GOCCs) para sa pagpopondo ng Health Emergency Allowance (HEA) ng mga frontliner, ayon sa dokumento ng pamahalaan.
Ipinatupad ang patakaran sa ilalim ng pamumuno ni dating Finance Secretary at ngayo’y Executive Secretary Ralph Recto, na kilala sa mahabang track record sa fiscal policy at transparency sa pananalapi ng gobyerno.
Ayon sa GAA, awtorisado ang paggamit ng hindi nagagalaw na pondo ng GOCCs upang makatulong sa gobyerno sa panahon ng fiscal strain. Kung hindi ito sinunod, mananatiling nakabinbin ang HEA ng libo-libong health workers sa bansa.
Tinanggap ng Palasyo nang walang pagtutol ang naging pasya ng Korte Suprema ukol sa paggamit ng naturang pondo. “Buong galang itong tinanggap ng gobyerno,” ayon sa isang opisyal, na nagsabing ang mahalaga ay “may natulungan, may nabayaran, at naipatupad ang hustisya.”
Bago pa man inilabas ang ruling, ibinalik na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang P60 bilyon sa PhilHealth, dahilan para lumobo ang pondo ng ahensya sa P113 bilyon. Ipinunto ng Malacañang na malinaw itong ebidensiya na prayoridad ng administrasyon ang universal healthcare at pagtitiyak na hindi mapuputulan ng proteksyong medikal ang publiko.
Sa gitna ng batikos at opinyong lumalabas, nananatiling tanong kung sino ang tunay na nagtaguyod ng interes ng health workers—ang gumawa ng intriga, o ang lider na tahimik na nagpatupad ng batas? (ETHEL G)
8
