MAHIGPIT na minomonitor ng Philippine National Police–Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) ang pag-usbong ng mga bagong paputok na ibinebenta online, kabilang ang umano’y “Discaya” at “Zaldy Co,” na nadiskubre sa kanilang cyber patrol.
Sa press briefing sa Camp Crame, sinabi ni ACG Director PBGen. Wilson Asueta na dagdag ang dalawang pangalan sa mga bantay-saradong paputok tulad ng Kingkong, Kabase at Tuna, na dati nang kinilala bilang mapanganib.
Puspusan aniya ang cyber patrolling dahil hindi kabilang sa listahan ng mga otorisadong paputok ang naturang produkto at natukoy pang “destructive” o posibleng mas malakas at delikado.
Hindi rin isinasantabi ng ACG na may sindikatong nasa likod ng online distribution ng mga ilegal na paputok. Kasalukuyan nang isinasagawa ang masusing imbestigasyon upang matukoy at mawasak ang pinanggagalingan ng supply.
Nagbabala si Asueta na mahaharap sa kaukulang kaso at parusa ang sinomang mapatutunayang nagbebenta o nagpapakalat ng ilegal na paputok online.
(TOTO NABAJA)
8
