KUMPIRMADONG kasama si dating Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr. sa iniimbestigahan ng Department of Justice (DOJ) kaugnay ng umano’y iregularidad sa ilang flood control projects sa Bulacan, kasama ang dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co.
Inihayag ito ni Prosecutor General Richard Anthony Fadullon sa press conference, kasunod ng pagpapatuloy ng preliminary investigation sa dalawa sa limang kaso na ibinalik ng Office of the Ombudsman. Idinagdag si Revilla sa listahan ng respondents matapos lumitaw sa dokumentong isinumite ng National Bureau of Investigation (NBI) na siya umano ang proponent ng proyekto.
Kinumpirma rin ng DOJ na inaasahang madaragdagan pa ang mga kasong isasampa kaugnay ng flood control program. Ayon kay Fadullon, si Co ay nagsilbi ring proponent sa mga proyektong iniimbestigahan.
Posibleng mailabas na sa susunod na linggo ang subpoena laban sa dalawang dating opisyal, sakaling makumpleto na ng DOJ ang kinakailangang dokumento mula sa NBI.
(JULIET PACOT)
3
