BASE PAY HIKE NG MUP ‘DI SUHOL NI BBM – DND

DINEPENSAHAN ng Department of National Defense (DND) si Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. sa pagsusulong ng dagdag sa base pay sa military at uniformed personnel (MUP) dahil long overdue na ito para sa nasabing hanay at walang katotohanan na ang nasabing hakbang ng commander in chief ay politically motivated.

Ayon kay DND spokesperson Assistant Secretary Arsenio Andolong, kahit hindi pa nakaaabot sa kanilang tanggapan ang buong detalye hinggil sa Executive Order 107, Granting Higher Pay and Allowances for Uniformed Personnel, ay nagpapasalamat na ang kagawaran at ang buong Armed Forces of the Philippines.

Nabatid na nag-utos ang pangulo sa pagbuo ng technical working group na kabilang dito ang Kagawaran ng Tanggulang Pambansa, para policy review ng nasabing EO 107.

Ayon kay ASEC Andolong, mismong si PBBM ang nagsabi na overdue na ito matagal-tagal na rin at ang pananaw ng DND ay dapat naman talagang bigyan na ng pay increase ang mga sundalo lalo na’t lubhang naging mahirap ang kanilang trabaho kumpara noong nakaraang taon.

Magugunitang tinutuligsa ng mga nasa labor sectors ang nasabing EO dahil bakit umano kailangang unahin ng chief executive ang unipormadong tauhan kaysa hanay ng mga manggagawa.

Mariing pinabulaanan ng defense department na isang uri ito ng suhol, kaugnay sa mga pinalutang na destabilization plot laban sa gobyerno. “Bakit naman nila iisiping suhol ito, para sa ating mga sundalo ito.

Napakahirap ng kanilang trabaho, hindi ko maintindihan itong mga nagsasabi nun ano, ito, isipin naman nila ‘yung kanilang sinasabi, nasaan ‘yung malasakit natin para sa mga dumepensa sa ating taumbayan, sa ating soberenya,” ani Asec. Andolong.

Pahayag naman ng isang suspended congressman, bakit sa sundalo ibinigay ‘yung increase, dapat sa teachers.

“Ayoko nang bigyan ng kulay ano na, dun sa tungkol sa nagsalita ngunit ‘yan ay isang matagal nang overdue. Kung iisipin ninyo, huling nagkaroon ng increase e nung nakaraang administrasyon but nung panahon na yun may nagsabi ba ng ganyan, ‘yun ang tanong ko sa kanila,” sagot ni Andolong.

Samantala, inihayag naman ni SILG Jonvic Remulla: “The Department of the Interior and Local Government (DILG) welcomes the signing of Executive Order No. 107, s. 2025 by President Ferdinand R. Marcos Jr., which updates the base pay and raises the subsistence allowance of our military and uniformed personnel from the PNP, PCG, BFP, and BJMP.”

Sabi pa ni Sec. Remulla, “Pinapasalamantan namin ang Pangulo sa pagkilala sa trabaho at sakripisyo ng mga kalalakihan at kababaihan na nangangalaga sa ating komunidad at pagpapanatili ng peace and order.

Sa pagtaas ng kanilang sahod, ay ipinakikita na kinikilala ng pamahalaan ang mahalagang papel na ginagampanan ng MUP sa national security, law enforcement, at disaster response.”

Bukod sa Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police na nagpahatid ng pasasalamat sa nasabing hakbang ng kanilang commander in chief, nagpahayag din ng pasasalamat ang Philippine Coast Guard (PCG) kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pag-apruba ng pagtaas ng base pay at subsistence allowance ng mga unipormadong miyembro ng organisasyon mula Enero 2026.

Ayon kay PCG Spokesperson, Captain Noemie Cayabyab PCG, patunay ito ng kanyang patuloy na malasakit at pagkilala sa araw-araw na sakripisyo ng bawat Coast guardians upang tiyakin ang kaligtasan at seguridad sa malawak na katubigan ng Pilipinas.

“Ang karagdagang benepisyong ito ay hindi lamang magpapataas ng morale ng ating personnel. Magbibigay-daan din ito sa mas maayos na pagtataguyod sa kani-kanilang pamilya, habang ginagampanan ang kanilang sinumpaang tungkulin sa bayan,” ani Captain Cayabyab.

Makakaasa aniya ang sambayanang Pilipino na magpapatuloy ang PCG sa paghahatid ng mabilis at kinakailangang serbisyo publiko tungo sa isang maunlad at matatag na bansang Pilipinas!

(JESSE RUIZ)

2

Related posts

Leave a Comment