(NI BERNARD TAGUINOD)
IDINEPENSA ng mga kinatawan ng mga guro sa Kongreso ang isang public school teacher sa Bacoor, Cavite na binantaang mahaharap sa kasong administratibo matapos mag-viral ang kanyang post sa social media hinggil sa paggamit ng mga faculty members sa comfort room bilang kanilang faculty room dahil sa kakulangan ng pasilidad.
Ayon kina ACT Teacher party-list Rep. Antonio Tinio at France Castro, walang masama sa ginawa ni Maricel Herrera, faculty president sa Bacoor National High School nang i-post nito ang paggamit ng mga ito sa mga comfort room bilang faculty room.
Nag-viral sa social media ang mga post ni Herrera na napag-alamang Secretary General ng ACT Teachers sa Region 4-A o sa Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon (Calabarzon), na ikinagalit ng kanilang principal.
Nagbanta umano ang principal ng eskuwelahan na iimbestigahan at kakasuhan ng administratibo si Herrera sa kanyang ginawa dahil napahiya umano, hindi lamang ang nasabing eskuwelahan kundi ang Department of Education (DepEd).
Ayon sa mambabatas, ipinakita lamang umano ni Herrera ang tunay na kalagayan ng edukasyon sa bansa at mga matagal nang problema subalit hindi pa rin nahahanapan ng soluson ng DepEd kay sila nasisira.
“Ang DepEd mismo ang sumisira sa imahe ng ahensya dahil sa dami ng mga kakulangan sa pasilidad ng mga paaralan na kanilang pinagtatakpan, hindi ang guro na naglalahad lang ng totoong kalagayan ng kanilang trabaho at ng mga bata,” ani Tinio.
Sinabi naman ni Castro na kung ayaw ng DepEd na muling mangyari ang ginawa ni Herrera, dapat nilang resolbahin ang problema tulad ng kakulangan ng silid-aralan sa halos lahat ng eskuwelahan sa bansa.
177