TINANGGAP ng Department of Justice (DOJ) sa ilalim ng Witness Protection Program (WPP) ang apat na dating opisyal at kontratista bilang state witness kaugnay ng mga umano’y maanomalyang flood control projects sa Bulacan.
Ang mga tinanggap bilang state witness ay ang mga dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na sina Roberto Bernardo, Henry Alcantara at Gerard Opulencia, gayundin ang contractor na si Sally Santos, matapos makapasa sa masusing ebalwasyon ng programa.
Ayon kay Justice Secretary Fredderick Vida, dahil sa kanilang pagiging state witness, inalis na ang apat bilang mga respondent sa naturang kaso.
“Sila po ay nakikipagtulungan sa DOJ para mapalakas ang ating mga kaso laban sa mga nais naming panagutin. Ang konsepto ng state witness ay hindi lamang pagbabalik ng pera. Bahagi lamang iyon ng kanilang pakikipagtulungan sa pamahalaan,” ani Vida.
Binigyang-diin din ng kalihim na hindi sapat ang simpleng pagbabalik ng pondo ng bayan upang makaiwas sa pananagutan.
“Hindi po maaaring mangulimbat ng pera ng bayan at ibalik lamang ito para sabihing absuwelto na. Hindi po ganoon. Kailangan managot,” giit ni Vida.
Sa kabuuan, umabot sa P316,381,500 ang naibalik sa pamahalaan ng apat na state witness bilang bahagi ng kanilang kooperasyon.
Samantala, hindi naman kwalipikado bilang state witness ang mga dating district engineer na sina Brice Hernandez at Jaypee Mendoza. Ayon sa DOJ, hindi nila nakita ang sapat na batayan upang maisama ang dalawa sa Witness Protection Program.
(JULIET PACOT)
2
