CAVITE – Nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya hinggil sa natagpuang bangkay ng isang babae sa isang construction site sa CALAX Road sa bayan ng Silang sa lalawigan noong Linggo ng umaga.
Inilarawan ang babaeng biktima na tinatayang 40 hanggang 50-anyos, nakasuot ng pink na sando, light brown jacket, maong pants, pulang cap, at puting tsinelas.
Ayon sa ulat, dakong alas-9:15 ng umaga nang natagpuan ang bangkay ng isang babae sa Sitio Kasuyan, KM21+780, Brgy. Batas, Silang Cavite.
Ayon sa nakakitang security guard, nagdya-jogging siya sa nasabing lugar nang mapansin niya ang isang babaeng nakahandusay sa lugar at nang lapitan ay napansin na tila wala nang buhay dahilan upang ipagbigay-alam niya sa pulisya.
Nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya upang madetermina ang sanhi ng pagkamatay ng biktima kasabay ng pagibigay ng alarma sa publiko para sa pagkakakilanlan nito.
(SIGFRED ADSUARA)
42
