PNP: TETESTIGO SA ICC PROBE HINDI PIPILITIN, HINDI RIN PIPIGILAN

NILINAW ng Philippine National Police (PNP) na hindi nila pipilitin ngunit hindi rin pipigilan ang sinumang nagnanais na tumestigo sa isinasagawang imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) kaugnay ng “war on drugs” ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ang pahayag ay kasunod ng panawagan ng ICC’s Office of the Prosecutor sa mga direct witnesses, kabilang ang mga kasapi ng PNP at iba pang law enforcement agencies, na may kaalaman sa mga kasong iniimbestigahan hinggil sa umano’y crimes against humanity mula Nobyembre 1, 2011 hanggang Marso 19, 2019.

Ayon kay PNP spokesperson PBGen. Randulf Tuaño, ang panawagan ng ICC ay hindi pa nangangahulugan ng pormal na summons.

“Isa lamang itong invitation to cooperate voluntarily at wala pang opisyal na summons,” paliwanag ni Tuaño.

Dagdag pa niya, personal na desisyon ng sinumang indibidwal ang pakikipagtulungan sa ICC at pinayuhan ang mga posibleng testigo na kumunsulta muna sa kani-kanilang legal counsel bago magpasyang makilahok sa imbestigasyon.

(JESSE RUIZ)

55

Related posts

Leave a Comment