DPA ni BERNARD TAGUINOD
KUNG totoong ang grupong sumusuporta kay Vice President Sara Duterte ang magsasampa ng impeachment case laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ay bibigyan lang nila ng pabor ang huli.
Sa set-up ngayon ng Mababang Kapulungan ng Kongreso, malabong mangyari na i-impeach ng mga kongresista si BBM dahil kontrolado ng Malacañang ang Kamara kahit hindi na speaker si Leyte Rep. Martin Romualdez.
Ang tanging susuporta sa impeachment case laban kay BBM kung sakali, ay si Cavite Rep. Kiko Barzaga kung hindi siya matatanggal bilang congressman dahil sa kanyang inaasal sa social media.
Hindi rin ako umaasa na full force ang Minority bloc sa Kamara sa pagsuporta sa Impeach BBM kung sakali, dahil karamihan sa kanila ay ayaw kay VP Sara na pumalit bilang punong ehekutibo. Baka magkaroon lang ng pag-asang ma-impeach si BBM kung mauunang ma-impeach si VP Sara.
Kaya anomang impeachment case na isasampa kay BBM ay makabubuti pa sa kanya imbes na makasama, dahil magkakaroon lang siya ng isang taong immunity sa impeachment case kapag nagkataon.
Noong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ay may nagsampa rin ng impeachment case laban sa kanya pero tulad ng inaasahan ay ibinasura lamang ito ng kanyang mga kaalyado sa Kamara.
Dahil diyan, nagkaroon immunity si GMA sa impeachment case kaya nagsawa na ang kanyang mga kritiko at hinayaan na lamang nilang tapusin niya ang kanyang presidency at saka niresbakan noong wala na siya sa puwesto.
Ganyan ang mangyayari kay BBM kapag sinampahan siya ng impeachment case sa Kamara, kaya bibigyan lang siya ng pabor ng supporters ni VP Sara kung totoo ang sinabi ni Caloocan City Rep. Edgar Erice na mula sa kanilang kampo ang magiging complainant.
Bukod diyan, lalong malabo nang magpa-impeach ang Kamara ng impeachable officials dahil sa ruling ng Korte Suprema kung papaano ang dapat na proseso sa impeachment case na susundin ng mga kongresista
Sa ruling ng mga Mahistrado sa Padre Faura, kahit 1/3 sa mga miyembro ng Kamara ang nag-endorso o tumayong complainant sa isang impeachment case ay dapat pa ring bigyan ng pagkakataon ang ini-impeach na opisyal na sumagot.
Taliwas iyan sa isinasaad sa Saligang Batas na kapag nakuha ang sapat na bilang ay hindi na kailangang idaan sa committee level ang reklamo bagkus ay idiretso na ito sa Senado na tatayong Impeachment court.
Kaya sa pagpapanagot sa impeachable officials ay huwag na kayong umasang mangyayari ‘yan hangga’t hindi binabago ng Korte Suprema ang kanilang ruling.
55
