BANGKA LUMUBOG SA FLUVIAL PARADE SA LUMBAN, LAGUNA

LAGUNA – Lumubog ang isa sa mga bangkang kalahok sa fluvial parade ng Lupi Festival sa bayan ng Lumban sa lalawigan nitong Linggo ng umaga, Enero 25, habang isinasagawa ang tradisyunal na Paligong Poon bilang bahagi ng Kapistahan ni San Sebastian Martir.

Sa kuhang video ng isang manonood, makikita ang tinatayang humigit-kumulang 40 katao na sakay ng bangka na nahulog sa tubig matapos itong unti-unting lumubog.

Ang ilan sa mga sakay ay pilit na lumangoy patungo sa gilid ng ilog, habang ang iba naman ay kumapit sa bahagyang nakalubog na bangka upang manatiling ligtas.

Agad nagresponde ang mga tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), katuwang ang Philippine Coast Guard (PCG), at matagumpay na nailigtas ang mga biktima.

Ayon sa mga awtoridad, wala namang iniulat na malubhang pinsala at mabuti ring walang mga batang sakay ng naturang bangka nang mangyari ang insidente.

Ito ang ikalawang beses na naitala ang paglubog ng bangka sa fluvial parade ng Lumban, matapos ang isang kahalintulad na insidente ilang taon na ang nakalilipas.

Isa sa mga tinitingnang anggulo ng imbestigasyon ay ang posibleng overloading ng bangka.

Ang fluvial procession ng Paligong Poon ay ginaganap sa Ilog Lumban at bahagi ng selebrasyon bago ang mismong araw ng pista ni San Sebastian Martir.

Tampok sa aktibidad ang pagpapaligo sa imahe ng patron at ang prusisyon sa ilog gamit ang mga “kaskitos,” o malalaking bangka at platapormang sinasakyan ng mga deboto.

Libo-libong deboto ang dumadalo taun-taon sa Lupi Festival, kung saan binabasa ng tubig ang imahe ni San Sebastian bilang tanda ng pananampalataya at debosyon.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang sanhi ng insidente at upang maiwasan na maulit ang kahalintulad na pangyayari sa mga susunod na selebrasyon.

(NILOU DEL CARMEN)

30

Related posts

Leave a Comment