KAUNA-UNAHAN nang ipinatupad ng Quezon City Police District (QCPD) ang pagpapatugtog ng audio-recorded crime prevention tips sa loob ng SM North EDSA bilang bahagi ng Oplan Bandillo.
Sa ilalim ng pamumuno ni QCPD Director PCOL Randy Glenn Silvio, isinagawa ng Project 6 Police Station 15, sa pangunguna ni PLTCOL Dave Anthony Capurcos, ang inisyatiba noong Enero 24, 2026 sa Brgy. Sto. Cristo, Quezon City.
Pinangunahan ng SCADS at beat patrollers ang pagpapatugtog ng mga paalala sa pamamagitan ng public address system upang turuan ang mga mall-goers sa pag-iwas sa krimen at karaniwang modus.
Araw-araw nang ipi-play ang audio tips sa 12:00 NN, 3:00 PM, at 7:00 PM, sa koordinasyon ng SM North management.
Hinihikayat sa mga paalala ang publiko na bantayan ang kanilang gamit, magdala lamang ng sapat na cash, manatiling alerto, at agad mag-report sa E911 o QC Helpline 122.
“Ito ay bahagi ng aming maagap na pagpigil sa krimen at pakikipag-ugnayan sa komunidad,” ani PCOL Silvio.
(PAOLO SANTOS)
1
