TINALAKAY ng Sangguniang Bayan ng Calauan, Laguna ang panukalang pagdedeklara bilang persona non grata kay Laguna Board Member Karla Adajar-Lajara.
Ayon sa ilang civil society organizations, ang panukala ay kaugnay ng umano’y hindi angkop na pahayag ng bokal laban kay Mayor Roseller “Osel” Caratihan, na anila’y hindi naaayon sa pamantayan ng asal ng isang halal na opisyal.
Sinabi naman ng alkalde na nag-ugat ang isyu matapos ang inspeksyon ni Adajar sa isang national road na hindi umano naipagbigay-alam sa lokal na pamahalaan.
Sa kanyang pahayag, ipinaliwanag ni Adajar na ang inspeksyon ay pinangunahan ng tanggapan ng Gobernador at lehitimong bahagi ng kanyang oversight function. Iginiit din niyang ang paghingi ng public documents at pag-inspeksyon sa mga proyektong pinopondohan ng gobyerno ay pinahihintulutan ng batas.
Dagdag pa niya, ang deklarasyong persona non grata ay isang simbolikong hakbang at hindi kapalit ng due process.
Sa ngayon, nananatiling bukas ang usapin habang patuloy ang pagtalakay ng lokal na konseho.
(NILOU DEL CARMEN)
2
