DPA ni BERNARD TAGUINOD
KUNG umasta ang Chinese Embassy, parang nasakop na nila ang Pilipinas at gustong ipatupad sa mga Pilipino ang ginagawa nila sa kanilang mamamayan sa China na bawal batikusin ang kanilang gobyerno at opisyales lalo na si Xi Jinping, at sinoman ang magkakamali ay inaaresto, ikinukulong at ang iba pa ay bigla na lamang namamatay o nawawala.
Kaya marami sa ating mga kababayan, maliban lamang sa iilang senators at Filipino trolls ng China, ang nagpupuyos sa galit sa China dahil parang nais ipatupad ng Chinese Embassy ang mapanikil na polisiya nila sa Chinese nationals sa ating bansa.
Dahil isang komunistang bansa ang China, walang demokrasya sa kanila, walang freedom of speech, walang kalayaan ang Chinese nationals, kaya siguro naninibago sila lalo na ang kanilang Ambassador na si Jing Quan kaya gusto niyang busalan ang mga opisyales ng Pilipinas na nagsasalita at nagtatanggol sa karapatan ng mga Pilipino sa West Philippine Sea (WPS).
Oo nga pala, may nagsabi na si Jing Quan ay eksperto umano sa publicity kaya siya idinestino sa Pilipinas noong December 2025, para baguhin ang katotohanan na sila ang nagsisimula ng gulo at tensyon sa WPS.
Gusto nilang palabasin na ang Pilipinas ang nanggugulo at nang-aagaw ng teritoryo kaya kapag may nagsasalita laban sa kanilang ilegal na pag-aangkin sa WPS, pambobomba ng tubig sa mga Pilipino, pagnanakaw sa yamang dagat na para lang dapat sa mga Pilipino, ay kanilang binabakbakan, binabastos, iniinsulto.
‘Yan daw expertise ni Jing Quan kaya mula nang madestino siya sa Pilipinas ay tinitira nila nang diretso ang mga opisyales na nagsalita laban sa kanilang agresyon sa WPS, imbes na idaan sa diplomatic channel.
Pero dapat isipin ni Jing Quan na wala siya sa China kung saan bawal ang magsalita laban sa gobyerno… nasa Pilipinas siya… maliban lamang kung sineryoso nila ang biro noon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na gawin na lamang probinsya ng China ang Pilipinas para hindi na mag-away kung sino ang may karapatan sa WPS.
Ang problema lang ni Jing Quan, hindi papayag ang mas nakararaming Pilipino na magpasakop sa China at mawala sa kanila ang tinatamasang demokrasya at kalayaan sa pamamahayag at pagpapahayag.
Maaaring nakuha ang China ng mga traydor na Pilipino na ginagamit nila para palakasin ang ilegal nilang pananakop sa WPS, pero mas marami ang may dugong Andres Bonifacio na handang lumaban at ipaglaban ang kalayaan ng Pilipinas.
Isa sa paborito kong quote ni Julius Caesar ay ang “I love the treason, but hate the traitor” na dapat ikonsidera ng Pinoy trolls ng China dahil kapag nagtagumpay sila sa kanilang masamang balakin sa Pilipinas, kayo ang unang ilalaglag nila dahil alam nilang traydor kayo.
9
