CLICKBAIT ni JO BARLIZO
NAPAPANSIN n’yo rin ba na madalas ay nababanggit ang salitang “impeachment” kapag may maingay na isyu sa gobyerno?
Tulad na lang nitong usapin sa ibinalik na pondo ng PhilHealth. Hindi mo talaga maiiwasang isipin na konektado ito sa biglaang impeachment push ngayon.
Madali kasing makuha ang interes ng taumbayan kapag impeachment ang pinag-uusapan. Para itong sirena na mabilis umalingawngaw, pero madalas ay kulang sa laman.
Gaya nga nitong usapin ng PhilHealth fund kasi kung uupo tayo sa mga dokumento, malinaw na mahina at pilit ang impeachment narrative.
Una sa lahat, hindi ito kapritso ng Malacañang. Ang pagbabalik ng idle o hindi nagamit na pondo ng PhilHealth ay malinaw na nakasaad sa 2024 General Appropriations Act (GAA)—batas na ginawa, pinagtalunan, at inaprubahan ng Kongreso. Hindi ito lihim o palihim na galaw. At lalong hindi ito unilateral na desisyon ng Pangulo. Ipinatupad lamang ng ehekutibo ang batas na isinulat ng mga mambabatas.
Sa impeachment, malinaw ang pamantayan: dapat may malubhang paglabag sa Konstitusyon, abuso sa kapangyarihan, o katiwalian. Sa kasong ito, alin doon ang napatunayan? Wala. Walang ilegal na pagkuha ng pondo. Walang pag-iwas sa Kongreso. Walang personal na pakinabang. Walang smoking gun—kahit usok, wala.
Ang nangyayari, hinahalo ng ilan ang emosyon at maling paliwanag sa budget process para magmukhang may kasalanan ang Pangulo. Mas madali kasing magalit kaysa magbasa ng batas. Pero ang katotohanan ay tumupad lang ang Pangulo sa umiiral na batas.
Mas lalo pang hihina ang impeachment drumbeat kapag sinuri kung saan napunta ang pondo. Ayon sa Department of Finance, malaking bahagi nito ay ginamit sa health at social services, kabilang ang pagbabayad ng Public Health Emergency Benefits and Allowances (PHEBA)—mga benepisyong matagal nang hinihintay ng health at non-health workers mula pa noong pandemya.
Kung masama ang intensyon ng gobyerno, bakit babayaran ang matagal nang utang sa mga health worker? Bakit uunahin ang mga taong humarap sa panganib noong COVID-19 habang ang iba’y ligtas sa bahay?
Sa totoo lang, mas tunog pulitika kaysa batas ang impeachment push. Kapag kinayod ang ibabaw, kulang sa ebidensya at puno ng haka-haka.
Katotohanan ang dapat mangibabaw, hindi ingay. Ang impeachment ay hindi laruan ng pulitika kundi mabigat na proseso na nangangailangan ng mabigat na basehan.
8
