Isang mahalagang aspeto ng programa ng kahit na anong pamahalaan ay ang pagpapasa ng mga bagong batas na nagbibigay ng dagdag na kita o naglalagay ng sistemang legal para maipatupad nito ang anumang programa nito, na inaasahan na magiging dahilan upang lalong umunlad ang bansa o bigyang lunas ang anumang problema na nagpapahirap sa taumbayan.
Ang pinagmamalaki ni outgoing Speaker Gloria Macapagal-Arroyo ay ipinasa nila ang mga pangunahing batas na ipinanukala ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang State of the Nation Address o SONA nitong taong 2018.
Ang unang-una na naipasa ng Kongreso na batas sa ilalim ni Speaker GMA ay ang pagtatayo ng Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao na ipinapatupad na ang kasunduang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF). Dahil dito, mauumpisahan na ang mga proyekto para paunlarin ang isang malaking parte ng Muslim Mindanao na nabalot ng karahasan at patayan nitong nakaraang tatlong dekada.
Ipinasa rin ng Kamara sa ilalim ni GMA ang Rice Tarrification Law na bagaman takot ang mga magsasakang Pinoy ay naglalayong bigyan sila ng dagdag na ayuda gaya ng mga libreng makinarya, binhi, pataba, patubig at iba pang mga kailangan sa mga sakahan para kumita sila at maging maunlad ang buhay ng mga magsasaka. Sa ilalim ng batas na ito, may taunang budget na P10 bilyon pataas para sa pautang na walang interes at pagsasanay sa mga magsasaka para hindi na sila umutang sa 5/6 na mga middleman o biyahero at ibenta na ng diretso ang kanilang palay o bigas sa palengke o sa mga mamimili.
Ipinagmamalaki rin ni GMA ang mga panukalang batas na ipinasa ng Kamara para ayusin ang mga buwis para sa mga alak, sa industriya ng minahan at nagpapatawad sa mga hindi nakabayad ng tamang buwis nitong mga nakaraang taon para umpisahan na nilang bayaran ang tamang buwis. Ayon kay GMA, mahalaga ang ayusin ang kaban ng ating bansa dahil mahalaga ito upang mas maraming perang magamit ang pamahalaan para sa mga proyekto na mag-aangat sa kahirapan ng milyun-milyong Filipino.
Naging pangunahing programa kasi ni GMA noon pang pangulo siya ng Pilipinas ang gawing mas malaki ang budget ng pamahalaan sa pamamagitan ng pagbawas ng mga pagkakautang nito sa ibang bansa, kaya dahil dito ay nabawasan ang bilang ng mahihirap na Filipino mula 39% ng ating populasyon nang siya ay maging pangulo tungo sa 26% nang umalis siya sa panguluhan noong 2016. Ayon kay GMA, isang malaking kasiyahan na para sa kanyang henerasyon ng mga lider ang makita na matupad pa ang programa ni Pangulong Duterte na ibaba pa lalo ang bilang ng mahihirap sa 14% pagdating ng 2022.
Sa ilalim ng pamunuan ni Speaker GMA, natupad ang gloryang inaasam ng Malacañang. (Usapang Kabuhayan / BOBBY CAPCO)
