HINDI pa napapanahon ang pagtataas sa presyo ng mga pangunahing bilihin sa gitna ng krisis sa Gitnang Silangan.
Ito ang diin ni Claire Castro, Undersecretary ng Presidential Communications Office (PCO) at Palace Press Officer.
Ayon kay Castro, hindi ito ang tamang panahon para samantalahin ng mga negosyante ang gulo sa Middle East upang itaas ang presyo ng kanilang produkto.
Inihayag din niyang inutusan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno, kabilang ang Department of Trade and Industry (DTI), upang tiyaking walang pang-aabuso.
Sa kabilang dako, pag-uusapan sa emergency meeting ni Energy Secretary Sharon Garin kasama ang oil companies ang posibilidad ng pagsirit ng presyo ng langis dahil sa gulo sa Middle East.
Nauna nang sinabi ng Department of Energy (DOE) na limited impact lamang sa global supply ang kasalukuyang kaguluhan.
Ayon kay Rino Abad, Director ng Oil Management Bureau, wala namang ulat ng nasirang oil production facilities sa Iran sa kabila ng mga pag-atake ng Estados Unidos at Israel.
Aniya, military at nuclear-related infrastructure lamang ang tinamaan at hindi apektado ang oil export capacity ng rehiyon.
Gayunman, ang pangamba ng mga shipping operator ang nagpapabagal sa oil deliveries.
Dahil sa pagkaantala ng shipment, inaasahan ang pagtaas ng presyo ng langis.
Tinataya ng DOE ang pagtaas na 5 hanggang 10 US dollars per barrel, katumbas ng 30 sentimo kada litro sa bawat isang dolyar na dagdag.
Kung magpapatuloy ito, posibleng umabot hanggang P3 kada litro ang kabuuang itataas sa loob ng susunod na dalawa hanggang tatlong linggo.
Sa kabila nito, naniniwala ang DOE na hindi ito hahantong sa krisis sa global supply.
Samantala, tiniyak ni Pangulong Marcos na ipagkakaloob ng pamahalaan ang lahat ng tulong sa pamilya ng Pinay caregiver na nasawi sa Israel.
Sa kanyang mensahe, kinilala ng Pangulo ang biktimang si Mary Anne Velazquez De Vera, isang caregiver mula Pangasinan na nasawi matapos tamaan ng shrapnel habang tinutulungan ang kanyang alaga patungo sa bomb shelter.
Na-identify na umano siya ng kanyang asawa na isa ring OFW sa Israel.
Nauna nang inatasan ni Marcos ang Department of Migrant Workers na tukuyin at tiyakin ang kalagayan ng mga Pilipino sa mga apektadong lugar kasunod ng air strikes ng Estados Unidos at Israel sa Iran.
(CHRISTIAN DALE)
2
