PNP OFFICIAL SIBAK SA “DIRTY” STATION

SA TOTOO LANG

Parang isang malaking oo na dapat tawaging “dirty” station ang anumang police stations kapag ito ay nagmukhang tapunan lamang ng mga basura.

Isang “dirty” station kasi ang nadatnan kamakalawa ni NCRPO PMajGen Guillermo Eleazar nang gumawa ito ng isang surprise inspection sa isang Police Community Precinct 1.

Ang kinahinatnan ng surprise visit ni Sir Eleazar ay sorpresa rin sa lahat. Nasibak lang naman ang kumander dito.

Nakakahiyang bumulaga rin sa isang mataas na opisyal ng Philippine National Police na may mga upos ng sigarilyo, balat ng candies, mga plastic bottle na walang laman, at basag na salamin ang makikita sa nasasakupan ng nasabing presinto.

Matibay ang ebidensya dahil hawak-hawak pa mismo ni sir ang plastic bottle na walang laman na malinaw na isang basura na pero wala sa tamang lagayan.

Parang magdadalawang isip ka tuloy na kung may idudulog kang reklamo sa istasyon ng pulisya ay may makikita kang kalat sa paligid nito. Iisipin mo tuloy kung malilinis ba o masosolusyunan ba ang problemang ilalapit mo sa kanila.

Maaaring hindi alam o hindi sinasadya ang ba­surang nakita sa nasasakupang istasyon ng kumander. Pero ang klaro ay nakita ang basura – na kung wala sa tamang lugar ay extension din ito ng ating personalidad. Nasampolan lang ang istasyon na yaon. At isang malaking babala ang pagkakatanggal sa puwesto ng naturang opisyal.

Hindi lang naman responsibilidad ng mga pulis ang seguridad ng mamamayan ng Pilipinas. Sentido kumon na lang na kahit saan ka pa napapabilang na grupo o kahit kasapi ka ng ahensya ng gobyerno.

Magsilbi sanang aral itong ganitong gawi – opisyal ka man o hindi – dapat ay maayos at malinis ang lugar na iyong nasasakupan. Huwag na ring iasa sa tagalinis dahil pupuwede namang magkusang loob na lamang kaysa mauwi pa sa sibakan sa puwesto. Mamimili ka lang: kahihiyan o kalinisan? (Sa Totoo Lang / ANN ESTERNON)

203

Related posts

Leave a Comment