(NI ROSE PULGAR)
DALAWANG Pinoy ang nasawi habang tatlo pa ang nasa kritikal na kondisyon matapos mabangga ng tren ang sinasakyan kotse sa Pongakawa, New Zealand Miyerkoles ng umaga.
Namatay noon din sa pinangyarihan ng insidente ang dalawang Pinoy worker na pansamantalang hindi muna binanggit ang mga pangalan habang agad naman naisugod sa pagamutan ang tatlo pang kasamahan na kapwa nasa kritikal na kondisyon matapos magtamo ng matinding pinsala sa iba’t- ibang bahagi ng katawan.
Ayon sa ulat ni Jesus Domingo, Ambassador ng New Zealand, dakong alas-8:15 ng umaga nang maganap ang insidente sa Pongakawa, North Island New Zealand.
Lumalabas sa imbestigasyon ng Fire and Emergency New Zealand, lulan ng isang kotse ang mga biktima nang tumawid ang mga ito sa crossing ng riles at hindi umano napansin ang parating na tren.
Sinabi ni Domingo na papasok umano ng trabaho ang mga biktima bilang tagapitas ng prutas nang maganap ang insidente.
Pahayag pa ni Domingo, na aalamin nila kung paano nangyari ang insidente kung bakit nahagip o nabangga ang mga biktima gayong may harang ito pag dumarating ang tren sa crossing.
Aniya, patuloy pa rin silang nakikipag-ugnayan ng embahada sa employer at pamilya ng mga biktima.
389